
Willie atras sa politika
Dahil magkakaroon na nga siya ng bagong show sa TV5, nakapagdesisyon na umano si Willie Revillame na kalimutan na ang pagpasok sa politika.
Matatandaan na noong Enero ay nagpahayag ang TV host ng interes sa politika sa darating na 2025 elections at aniya, sa tingin niya ay ready na siya na kumandidatong senador.
Pero dahil nga nagkaroon sila ng pag-uusap kamakailan ng Media Quest ng TV5 tungkol sa pagkakaroon ng bagong show, nagbago na rin ang isip ni Willie tungkol sa pagpasok sa politika.
Sinabi ito ni Cristy Fermin sa kanyang latest vlog.
“Ayon sa isang source na nakausap ko, actually, maraming sources ito na nagsabi na bibitiw na sa politika si Willie. Iiwan na niya ‘yung kanyang pangako ilang buwan na ang nakararaan na pwedeng-pwede na raw siyang tumakbo para Senador,” sey ni ‘Nay Cristy.
“Ngayon po, wala na po ‘yun. Dito na po ulit siya sa pagbabalik-telebisyon at pagbabalik sa pagbibigay ng saya sa ating mga kababayan,” patuloy pa ni CSF.
Tungkol naman sa upcoming show ni Willie sa Kapatid network, ibinalita rin nila na next week na pipirma ang TV host ng kontrata sa Media Quest.
“Inayos lang po muna ang maraming rekotitos dahil ano ‘to, eh, sosyohan ito ng produksyon ni Willie at ng Media Quest,” she said.
“Pero kumpleto na, nakaparada na lahat ang gagawin kaya wala nang problema. Pipirma na siya ng kontrata sa Media Quest,” aniya pa.
Dagdag pa ni ‘Nay Cristy, dapat ay noong nakaraang linggo pa nagkapirmahan pero may mga lawyer to lawyer na pag-uuusap pang naganap.
“’Yung mga pag-uusap, tapos ‘yung mga hatian, ‘di ba? ‘Yung titulo, ‘yung mga magiging atake ng kanyang programa.
“Eh, ngayon po, plantsado na talaga kaya tuloy na tuloy po si Willie Revillame sa Media Quest,” sey ni ‘Nay Cristy.