Default Thumbnail

Wanted: traffic enforcers with sintido-kumon

June 28, 2021 Allan L. Encarnacion 827 views

Allan EncarnacionBUMABALIK na naman ang masikip na traffic sa Edsa at sa ibang mga main road sa Metro Manila.

Wala tayong masasabi sa decongestion project ng DPWH at ng DOTr sa Edsa at sa mga kalsada ng NCR dahil nakita naman natin ang mga big ticket projects na natapos na at patuloy pang tinatapos.

Bukod sa laki ng volume ng mga sasakyan dahil sa pagbubukas ng maraming negosyo, nakakagdag din sa pagsisikip ng daloy ng mga sasakyan ang sistema ng ibang local traffic enforcers, LTO, LTFRB operations, kasama na ang MMDA.

Makailang beses nating nakita na iyong mga enforcers na may napagtripang hulihin, trak man yan, bus o kotse, wala silang alam pakialam kahit saan nila pahintuin.

Noong isang linggo lang, nakita natin na ang taas na nga ng volume ng mga sasakyan galing NLEX at Valenzuela na papasok ng Mindanao Avenue, Quezon City, bigla na lang hihinto ang motorcyle riding traffic enforcer sa mismong ilalim ng tunnel. At doon talaga niya pinara ang hinuling trak na may mabigat na karga na nakabalot ng trapal.

Hindi ko alam kung nag-iisip ba ang enforcer para sa mismong tunnel pinara at kinausap ang driver kaya iyong dalawang linya, naging isa na lang at wala nang makadaan dahil sa pinahinto niyang trak.

Ganyan din nangyayari C3 Caloocan City kaya nagkabuhul-buhol ang daloy ng mga sasakyan. Iyong mga taga-LTO, HPG na may operasyon at mga lokal traffic enforcers, basta na lang pinahihinto ang mga hinuhuling sasakyan sa mismong gitna ng kalye.

Hindi ko alam kung bakit mahirap bang isipin na kapag nagpahinto ka ng sasakyan, maliit man o malaki na hindi mo pinatabi ay magiging sanhi ng trapik. Imagine, kung dalawa hanggang tatlong trak ang pinahinto na bumalagbag sa isang linya ng kalsada, dambuhalang trapik na ang magiging sanhi agad.

Ang suhestiyon natin sa MMDA at sa mga lokal na pamahalaan, hindi baleng kumuha ng mga walang pinag-aralan na enforcers pero sana naman iyong may sintindo-kumon man lang. Alam natin mahirap ang trabaho ng mga traffic enforcers at maging ng mga taga-LTO at LTFR or MMDA pero hindi naman kailangan ng cum laude or first honor para maisip na makakasagabal ang pagpapahinto ng trak sa tunnel or sa isang linya. Kahit naman siguro bobo sa row 4 na nasa tabi pa ng basurahan ay maiisip iyon.

Walang kalaban-laban ang mga motorista sa mga hindi nag-iisip na awtoridad kaya sana naman, humanap kayo ng mga kahit sensitibo man lamang sa pakiramdam ng mga motoristang hinarangan nyo ng trak ang dadaanan para huhulihin lang.

Huwag na nating dagdagan ng walang common sense na enforcers ang nagbabalik na problema sa trapiko, please lang!

[email protected]