
Wanted sa robbery, pananakit huli sa Malabon
DALAWANG araw makaraang ilabas ng hukuman ang warrant of arrest, kaagad nasakote ng pulisya ang lalaking wanted sa kasong pagnanakaw (robbery) na may kahalong pananakit Huwebes ng tanghali sa Malabon City.
Kaagad na pinosasan ng mga tauhan ni P/Capt, Archie Arceo, commander ng Tugatog Police Sub-Station 2 ang suspek, 43, binate, at residente ng Barangay Tugatog, makaraang matunton ng mga pulis sa Crispin St. Bgy. Tinajeros bago mag-alas-12 ng tanghali.
Bitbit ng mga tauhan ni Arceo, sa pangunguna ni P/Cpl. Mark Anthony Petilla, ang warrant of arrest na inilabas ni Malabon Regional Trial Court (RTC) Judge Ma. Antonia Linsangan Largoza-Cantero ng Branch 291 nito lamang Abril 18, nang kanilang dakpin ang akusado na nahaharap sa kasong robbery with violence or intimidation of persons na nasa ilalim ng Article 294 ng Bagong Kodigo Penal.
Naglaan ng P100,000 piyansa ang korte para sa pansamantalang paglaya ng suspek habang dinidinig sa korte ang usapin.
Sinabi naman ni P/SSgt. Romeo Morelos Jr., ng Warrant and Subpoena Section ng Malabon police na pansamantala munang dinetine sa Malabon Police Custodial Facility ang akusado habang hinihintay pa ang ilalabas na commitment order ng husgado para sa paglilipat sa kanya sa Malabon City Jail.