Knife

WAG KANG MAKI SA DI MO PAMI

August 7, 2023 People's Tonight 203 views

Ama, anak-anak nakialam sa away ng mag-dyowa, sinaksak

SUGATAN ang isang lalaki at stepson nito matapos saksakin ng kanilang kapitbahay nang tangkain nilang awatin ang pambubugbog ng suspek sa kanyang live-in partner nitong Sabado ng gabi sa Dipolog City.

Ang mga biktimang isinugod sa Zanorte Medical Center ay nakilalang sina Danilo Fuentes, 52, at stepson nito na si Carlito Marabulas, 33, pawang mga residente ng Eco 5, South Baybay Galas, Dipolog City.

Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspek na nakilalang si Milliard Tical Balolot, 29-anyos at residente rin ng naturang lungsod.

Batay sa ulat ng Police Regional Office 9, ang insidente ay naganap dakong 10:55 ng gabi sa South Baybay Galas, Dipolog City.

Nauna rito, nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng suspek at live-in partner nito kung saan binugbog at tinangka ng suspek na saksakin ang kasintahan.

Sa puntong ito, agad na sumaklolo si Fuentes subalit agad siyang inundayan ng saksak ng suspek.

Tinangka ding lumapit ni Marabulas upang umawat pero maging siya ay sinaksak din ng suspek.

Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang suspek habang isinugod naman sa pagamutan ang dalawa.

Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang bigyang linaw ang insidente.

AUTHOR PROFILE