Vice

VICE NAGPASALAMAT SA KAPUSO EXECS

March 21, 2024 Vinia Vivar 85 views

Naganap na noong March 20 ang makasaysayang contract signing between GMA network and ABS-CBN para sa pagpapalabas ng noontime variety show na It’s Showtime sa GMA-7.

Bongga ang ginanap na contract signing kung saan nagkaroon muna ng motorcade ang mga host sa pangunguna ni Vice Ganda.

Nagsimula ang motorcade sa ABS-CBN compound patungo sa building ng Kapuso Network kung saan ginanap ang contract signing.

Bukod sa mga host ay present din ang mga opisyal ng GMA at ABS-CBN sa naturang historical event.

Sa side ng Kapuso ay dumalo sina Chairman Atty. Felipe Gozon, President at CEO Gilberto Duavit Jr., Executive Vice President at Chief Financial Officer Felipe Yalong at Senior Vice President for Programming, Talent Management, Worldwide and Support Group at GMA Films President at CEO Atty. Annette Gozon-Valdes.

Ang mga kumatawan naman sa ABS-CBN ay sina Chairman Mark Lopez, President at CEO Carlo Katigbak, Chief Operating Officer Cory Vidanes at Group Chief Financial Officer Rick Tan.

Nagpasalamat si Carlo sa pag-welcome ng GMA sa bagong tahanan ng It’s Showtime at tinawag niya itong “historic occasion” dahil hindi nila akalain na pagbubuksan ng bagong pinto ang nootime show.

Ayon naman kay Atty. Felipe Gozon, tapos na ang network war sa pagitan ng dalawang network.

“We can expect more mutually beneficial collaborations between ABS-CBN and GMA that will benefit the viewing public,” aniya.

Nagpasalamat din si Vice sa pagbubukas ng pintuan ng GMA para sa It’s Showtime at sa napakainit na pagtanggap sa kanila ng network.

“Siyempre, hindi naman lingid sa kaalaman nating lahat kung ganu’n kasadsad ang isinadsad ng Kapamilya pero naririyan kayo (GMA) hindi para tapakan kami at saktan pa sa mga panahong sadsad na sadsad kami.

“Inialay n’yo ang mga kamay n’yo sa amin para unti-unti kaming makabangon. Maraming, maraming salamat. Hinding-hindi po namin ‘yan makakalimutan pati na rin ng lahat ng mga Kapamilya sa buong mundo,” pahayag ni Vice.

“At hindi n’yo lang kami unti-unting tinutulungang makatayo, pinagbuksan n’yo pa kami ng tahanan para doon muling magpalakas, magpagaling, magpahilom at makatindig ulit, kapiling kayo,” dagdag niya.

Magsisimula na ngang mapanood sa April 6 ang It’s Showtime sa ABS-CBN.

AUTHOR PROFILE