Vice

Vice Ganda: ‘It’s Showtime,’ casualty sa sigalot ng TAPE at TVJ

June 28, 2023 Vinia Vivar 261 views

Nilinaw ni Vice Ganda na wala siyang sama ng loob sa TV5 sa pagkawala ng “It’s Showtime” sa nasabing network.

“Wala akong galit sa TV5. Nalungkot ako sa naging desisyon ng TV5 kasi siyempre, hindi pabor sa aminn ‘yun, eh,” pahayag ni Unkabogable Star sa kanyang latest vlog.

“Siyempre sa buhay naman, mas masaya tayo kung ang nangyayari, eh, pabor sa atin. Pero hindi sa lahat ng pagkakataon, eh, magiging pabor sa ‘yo ang oras, ang pangyayari at ang mga desisyon.

May mga pagkakataong may mapapaborang iba.

“Masakit man, malungkot man sa damdamin mo pero kailangan mong tanggapin ‘yun at kailangan mong irespeto ‘yun,” dagdag ni Vice.

Bagama’t nasaktan at nalungkot siya sa desisyon ng TV5 ay hindi raw pwedeng mawala ang pasasalamat niya dahil malaki ang naitulong sa kanila ng network.

“Hindi kami pwedeng magalit sa kanila kasi napasaya nila kami, eh. Minsan sa buhay namin, tinulungan nila kami. Minsan sa buhay namin nakaramdam kami ng pagdiriwang at kasiyahan dahil sa tulong nila and that will forever be one great reason to be grateful to them,” aniya.

Idinetalye rin ni Vice ang mga pangyayari mula noong unang pumutok ang balita na mawawala na ang kanilang noontime show sa Kapatid network hanggang sa kausapin siya ng ABS-CBN executive na si Cory Vidanes at tinanong kung okay ba sa kanyang mapunta sila sa 4:30 p.m. timeslot.

“Sabi ko, ‘personally, kung ako, siyempre ayoko ng 4:30 timeslot because “Showtime” is a noontime brand. It will destroy the brand. Kung dati, nausog tayo, naging 12:30, naging 12:45, ok pa ‘yun kasi pasok pa siya sa noontime pero kung 4:30, hindi na siya noontime,’” kwento niya.

Pero siyempre, hindi naman daw siya ang may-ari ng show kaya kung anuman ang magiging desisyon at kung saan man mapupunta, of course ay sasama siya.

Hanggang sa finally ay ibinalita na sa kanila na sa GTV ng GMA network na sila kaya naman sobrang saya niya.

Pero pakiramdam niya talaga ay sila ang naging ‘casualty’ sa naging problema sa “Eat Bulaga.”

“Alam mo, ‘yun talaga ang unang naramdaman namin, parang tayo ‘yung casualty nun’g naging problema nun’g TVJ at saka nun’g Eat Bulaga. Sabi ko, ‘parang tayo ‘yung tinamaan nun’g mga kanyon na binala nila.’ ‘Yung ganu’n. ‘Yun ang unang naging damdamin namin,” sey niya.

Naiintindihan naman daw niya ang mga naging desisyon ng magkabilang kampo pero naging malaki ang epekto nito sa kanila gayung nananahimik sila.

“Pero hindi namin pwedeng sisihin ang TVJ kasi lahat naman kami, gusto lang magtrabaho. Lahat naman kami, may ipinaglalabang bahay. Lahat kami, may ipinaglalabang programa. Lahat kami, may ipinaglalabang audience na gustong pagsilbihan.

“Wala tayong magagawa. Tatanggapin natin ‘yun, hindi man masyadong pabor sa ‘tin, pero again, hindi natin pwede ‘yun i-take against them,” pahayag pa ng TV host/comedian.

Sa mga susunod na araw ay maaari raw silang makita sa ilang GMA-7 shows para mag-promote ng “It’s Showtime” pero mayroon siyang isang programang ni-request na mag-guest siya.

Kung anong show ‘yun ay hindi pa niya sinabi pero tiyak na magugulat daw ang lahat kaya abangan.

AUTHOR PROFILE