Edd Reyes

Usapin sa pilot study ng MC taxi di pa matutuldukan

April 3, 2024 Edd Reyes 258 views

HANGGA’T hindi pa naisasa-pinal ang rekomendasyon ng Technical Working Group (TWG) ng Department of Transportation (DOTr) para sa pilot study ng motorcycle (MC) Taxi Service, hindi pa matatapos ang pangamba at haka-haka ng mga apektadong sektor ng transportasyon.

Sa buwan pa kasi ng Mayo nakatakdang isumite ang TWG na pinamumunuan ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chair Teofilo Guadiz ng kanilang rekomendasyon sa Kongreso para sa magiging kalagayan ng MC taxi service kaya ang daming mga nabubuong haka-haka, hindi lang sa apektadong sektor ng transportasyon, kundi maging sa mga kompanyang nag-apply sa programa.

Isa na rito ang napaugong na umano’y pagpayag daw ng LTFRB na makapasok sa programa ang apat pang players, kabilang daw ang Grab Bike na taliwas naman sa ipinahayag ni Guadiz na itinigil na nila ang pagdaragdag ng bilang ng mga MC taxi dahil magsusumite na sila ng rekomendasyon sa Kongreso.

Nagpakabog kasi sa mga may dati ng akreditasyon at sektor ng ilang transportasyon ang haka-hakang bibigyan pa raw ng 2,000 mula sa 8.000 slots ang Grab Bike.

Nakadagdag pa sa kanilang pangamba ang sinabi ni Guadiz sa isang news forum sa Manila Hotel na magiging sagot ang MC taxi sa problema ng pagkalat ng mga habal-habal na nagsasakay ng pasahero kahit walang permiso at magbibigay ito ng maraming trabaho sa mga Pinoy kaya hayaan na lang ang commuters na pumili ng mas komportable at mas murang masasakyan.

Malamang na hangga’t hindi natutuldukan ang usapin, marami pang mga espekulasyon, pangamba at haka-haka ang maglalabasan lalu na’t maging ang isang miyembro ng Kongreso ay hayagang tinutulan ang pagpasok ng Move It ng Grab sa pilot study ng MC taxi habang pinatatapos naman ni Sen. Grace Poe ang pag-aaral sa naturang programa bago planuhin ang pagpapalawak nito.

Bentahan ng panty sa Divisoria naging matumal

TUMUMAL nga ba ang bentahan ng panty sa ilang puwesto sa Divisoria dahil dumami na raw ang mga kababaihang hindi na nagsusuot nito ngayong tag-init.

Sabi kasi ni dating Department of Health (DOH) Secretary at ngayon ay kinatawan sa Kongreso ng Unang Distrito ng Iloilo Janette Garin. mabilis magkaroon ng fungal infection sa maselang bahagi ng kanilang katawan ang mga kababaihan sa panahon ng tag-init kaya epektibo kung may bentilasyon ang kanilang hiyas para hindi kapitan ng impeksiyon.

Noon pa man, may mga malalapit akong kaibigang babae, mga dating kaklase, at kasama sa trabaho na walang kiyemeng sinasabi na hindi talaga sila nagsusuot ng panty sa kanilang pagtulog o kung nasa bahay lang, pero inisip ko noon, na kabilang lang ito sa aming biruan.

Ngayon ko napagtanto na maaaring totoo pala ang sinasabi nila na dinadaan lang sa biruan dahil malaking tulong pala ito para hindi dapuan ng impeksiyon ang iniingatang hiyas.

Noon kasi, pinaka-patok sa mga tinda ng Nanay ko sa Baclaran ay panty at pantylet na inaalok ko pa sa malalapit na kaibigang babae. Hindi na siguro inabot ng ilan ang pantylet pero ito yung manipis na version ng puruntong na isinusuot naman noon ng kalalakihan.

Kaya nang pumasyal ako nito lang nakaraang araw sa Divisoria, kinumusta ko yung mga kilala kong vendors at inireklamo nga nila ang pagtumal daw ng benta nila ng panty. Hindi ko lang alam kung apektado rin ang mga vendors ng brief ngayong tag-init.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE