Default Thumbnail

Umpisahan ng linisin ang mga daluyan ng tubig

March 13, 2022 Vic Reyes 1518 views

Vic ReyesKAGAYA nang madalas nating sabihin, kailangang linisin na natin ang mga daluyan ng tubig, kasama ang mga estero, habang bihira pa ang pag-ulan-ulan.

Huwag natin kalimutan na pagdating ng tag-ulan ay maraming lugar sa bansa, kasama na ang Metro Manila at mga karatig probinsiya, ang binabaha.

Hindi lang simpleng baha ang nararanasan natin.

Dahil barado ang mga daluyan ng tubig, madaling umapaw ang mga ito.

Nagmimistulang dagat ang nga ang maraming lugar, lalo na ang mga mabababang lugar kahit na sandali pero malakas na ulan ang tatama sa Metro Manila at karatig pook.

Sa totoo lang, sana’y laging malinis ang mga daluyan ng tubig, partikular na ang mga drainage canal, dahil dito nagtatago ang mga pesteng daga, ipis at lamok.

At katulad nang pag-iingat natin sa COVID-19, patuloy rin tayong mag-ingat sa nakamamatay na dengue at leptospirosis na uso sa panahon ng tag-ulan sa bansa.

Sa hirap ng buhay ngayon, talaga namang trahedya ang magkasakit.

Ang masakit, pati ang mga ospital na pag-aari ng gobyerno ay kulang na kulang din ng pondo dahil sa COVID-19.

Naiintindihan natin ito dahil naubos ang pera ni Juan dela Cruz sa laki ng ginastos at patuloy na ginagastos ng gobyerno sa paglaban sa coronavirus disease.

Kaya nga dapat maglinis na tayo sa kapaligiran dahil pagdating ng Mayo, malamang na magsimula na ang pag-ulan sa bansa, kasama na ang Metro Manila.

***

Habang papalapit ang eleksyon ay lalong napapabilib ang marami sa mga naririnig mula kay senatorial candidate Gen. Guillermo Lorenzo “Guilor” Eleazar.

Noong nakaraang linggo ay lumabas sa mga diyaryo ang isang statement ni Eleazar, dating hepe ng Philippine National Police, na nagpapakita ng kanyang karakter.

Sinabi ni Eleazar: “Ang tama ay tama, at ang mali ay mali.” Ito ang mensahe niya sa mga drayber ng mga jeep na hindi nagbibigay ng sukli sa kanilang mga pasahero.

Ayon sa dating hepe ng pambansang pulisya, hindi tama na labagin natin ang batas para magsamantala sa mga commuters na matindi rin ang pangangailangan.

Kagaya ng mga drayber ng mga pampasaherong sasakyan, ang mga pasahero ay kumakayod din araw-araw para maitawid ang kanilang mga pangangailangan sa buhay.

Madalas nating naririnig ang reklamo ng mga pasaherong dinadabugan pa ng mga drayber kung hinihingi ang kanilang sukli, lalo na kung maliit lang ang sukli.

“Nauunawaan natin ang saloobin ng ating mga PUV drivers pero maling gawain ito na dapat itama,” ayon kay Eleazar, na kilalang “strict but fair” na lingkod-bayan.

Noong siya pa ang hepe ng PNP ay maraming pulis ang kanyang dinisiplina dahil sa mga maling ginagawa ng mga ito.

Kaya nga sobrang napamahal si Eleazar sa taumbayan, lalong-lalo sa mga mahihirap at ordinaryong Filipino hindi lang sa Metro Manila kundi sa buong bansa.

Good luck po sa inyo, Sir Guilor!

***

Eleven days na lang ay magsisimula na ang pangangampanya ng mga lokal na kandidato para sa darating na eleksyon sa Mayo 9.

Sa dami ng mga lokal na kandidato ay parang pista na naman sa maraming bayan, syudad at probinsiya sa buong bansa.

Ang maganda lang nito, maraming kababayan natin ang makikinabang kasi kukunin silang taga-dikit ng campaign materials at rah-rah boys and girls ng mga kandidato.

Ang iba naman ay sumasakay sa mga jeep, kotse at trak na may mga public address system na mag-iikot sa mga barangay mula Marso 25 hanggang Mayo 7.

Ayon sa calendar of activities ng Commission on Elections (Comelec), ang tinatawag na election campaign period ay magtatapos dalawang araw bago ang araw ng halalan.

Sana naman higpitan ng Comelec ang pagpapatupad sa election laws, rules and regulations.

Lalo na sa pagdidikit ng mga poll campaign materials ng mga kandidato. Dapat sa mga common poster areas lang tayo makakakita ng mga tarpaulin at streamer ng mga kandidato.

Ang problema, kulang na kulang ang Comelec ng mga tauhan para ipatupad ang lahat ng election laws, rules at regulations.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484email: [email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE