
TVJ, kinasuhan ang TAPE at GMA kaugnay ng copyright infringement at unfair competition
Nagsampa ng kaso sina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon (TVJ) laban sa TAPE, Inc. (Television and Productions Exponents, Inc.), producer ng “Eat Bulaga,” at sa GMA network na siyang nagpapalabas o nag-iere ng nasabing noontime show.
Naghain ng reklamong copyright infringement at unfair competition ang TVJ noong June 30 laban sa dalawang kumpanya dahil sa pagsasaere ng ilang lumang episodes ng “Eat Bulaga” nang walang permiso mula sa iconic trio.
Ngayong July 12, ayon sa report, natanggap na ng TAPE, Inc. at GMA ang summons mula sa Marikina Regional Trial Court Branch 273 para magsumite ng kanilang sagot sa loob ng 30 araw.
Matatandaang nasaksihan noong May 31 ang historical farewell ng TVJ sa TAPE, Inc. dahil sa hindi pagpayag ng management na umere sila nang live at sa halip ay replay ng show ang kanilang inere.
Kasama ng TVJ sa pagsasampa ng complaint ang dating “EB” headwriter at ngayo’y TVJ Productions, Inc. officer in charge of production na si Jeny Ferre.
Samantala, sa ipinadalang pahayag ng GMA Network kaugnay ng isyu, sinabi ng istasyon na, “We will refer the complaint to our legal counsel, Belo Gozon Elma Parel Asuncion & Lucila Law Offices.”