Quiboloy

TULOY

March 20, 2024 PS Jun M. Sarmiento 93 views

Imbestigasyon ng Senado kay Quiboloy kahit recess

TULOY ang imbestigasyon kahit pa recess na at bakasyon ang dalawang kamara.

Ito ang sinigurado ni Sen. Risa Hontiveros na nagsabing hindi sila titigil sa paghihimay ng mga detalye at impormasyon sa Senado, in aid of legislation, sa kasong kinasasangkutan ng lider at founder ng Kingdom of Jesus Christ na si televangelist Pastor Apollo Carreon Quiboloy.

Magsisimula ang break ng dalawang kamara sa Marso 23 kasabay ng Semana Santa at muling magbubukas naman sa Abril 29.

Sinabi ni Hontiveros na bagama’t marami sa mga kasama nila ang magbabakasyon panabay ng recess ng Kongreso ay pwede naman aniyang magtrabaho ang sinumang nais magpatuloy sa kanilang mga komite at ito aniya ay awtorisado ng Senado.

“Practice naman dito sa Senado na kahit naka-break kami ay authorized kami sa committee na makapag-conduct pa rin kami sa Senado ng aming mga imbestigasyon. Bukod po dito ay wala akong balak umalis ng bansa at wala rin akong schedule na magbakasyon kaya’t sana si Quiboloy din ay hindi tumakas kaya’t nauna na ako sa immigration na bantayan ang ating mga borders,” ani Hontiveros.

Tiniyak din niya ang pagiimbita sa mga importanteng tao sa mga susunod na pagdinig, tulad na lamang ng mga opisyal ng Anti-Money Laundering Council na nagpahayag na umano ng pagpayag na dumalo sa susunod na pagdinig.

Gayundin, sinabi ni Hontiveros na bagama’t inakyat na ang isyu sa pormal na korte sa pamamagitan ng Department of Justice ay hindi aniya apektado at nasa sa batas pa rin ang pagpapatuloy ng pagdinig ng kanyang komite sa mga alegasyon kay Quiboloy, lalo pa at pormal ng pinirmahan ng Pangulo ng Senado na si Sen. Juan Miguel Zubiri ang warrant of arrest ni Quiboloy.

Naniniwala rin si Hontiveros na hindi magkakaagawan ang mga sangay ng gobyerno sa pagdakip kay Quiboloy kundi magkakatulungan pa aniya ang bawat isa.

“Sa wakas ay mapipilitan siyang dumalo para humarap sa komite, pakinggan ang aming mga tanong at sagutin ito,” pahayag ni Hontiveros na nagsabi rin na walang karapatan si Quiboloy na yurakan at maliitin ang Senado, gayundin ang ginagawa nitong patuloy na pambu-bully sa mga testigo sa tulong ng kanyang mga alipores.

“Walang karapatan si Quiboloy yurakan ang dignidad ng Senado. Salamat sa mga testigo na naglakas-loob na labanan ang dambuhalang pagsubok na ito,” dagdag pa niya.

Para kay Hontiveros, ang pagharap ni Quiboloy sa imbestigasyon ay magbibigay sa kanya ng tamang karapatan upang idepensa ang kanyang sarili at marinig ang kanyang panig.

“And it is actually the reason why the Senate is inviting him, in order for him to give his side of the story so we can craft the right law. But as I said, we can set aside and disregard the rudeness that Quiboloy has shown the Senate,” giit ng senadora.

Ipinaliwanag ni Hontiveros na nagpasiya ang kaniyang komite na isyuhan na ito ng arrest warrant matapos na isnabin ng makailang ulit ni Quiboloy ang kanilang imbitasyon at subpoena noong Enero 23, na nasundan pa noong Pebrero 19 at Marso 5.

Bunsod nito, nag-isyu na ang komite ng pormal na subpoena para dumalo si Quiboloy ngunit ipinadala lamang ang kaniyang mga abogado para humarap sa pagdinig na hindi aniya makatuwiran lalo’t maraming sensitibong bagay ang siya lamang ang makasasagot, anang senadora.

“Kung nagpakita lamang sana siya at hindi na nagdrama-drama pa, sana matagal nang natapos ito,” pahayag ni Hontiveros.

Ang nasabing kontrobersyal na pastor ay inakusahan ng ilan sa mga testigo na humarap sa komite ng mga kasong diumano tulad ng rape, human trafficking, sexual abuse at maging child abuse.