Default Thumbnail

Truck bumaliktad; 4 dedo, 22 sugatan

March 29, 2023 Zaida I. Delos Reyes 225 views

PATAY ang apat katao habang sugatan naman ang 22 iba pa matapos na bumaliktad ang sinasakyang truck sa Zamboanga City.

Dalawa sa mga nasawi ay nakilalang sina Nursida Taring at kakambal nito na si Nursiya Taring.

Isinugod naman sa pagamutan ang 22 nasugatan na pawang mga empleyado ng sardines factory sa lugar.

Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame. Ang insidente ay naganap sa Sitio Daap, Barangay Sangli, Zamboanga City.

Binabaybay umano ng truck ang pababang bahagi ng Maria Clara Lorenzo Lobregat Highway sa may Bgy. Sangali, nang mawalan umano ng preno ang sasakyan.

Nawalan ng kontrol umano ang drayber ng truck sa manibela dahilan upang mabangga ito sa isang konkretong bahay at ilang beses na bumaliktad bago bumalandra sa gitna ng kalsada.

Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang bigyan linaw ang insidente.