
Triker, menor na ‘runner’, land surveyor huli sa Ecija buy-busts
GAPAN CITY – Natimbog ng pulisya ang isang 55-anyos na tricycle driver at kanyang “drug runner” diumano na 16-anyos na lalaki, kasama ang isang land surveyor sa magkahiwalay na buy-bust operation dito nitong Miyerkules.
Sa unang operasyon, sinabi ni police head Lt. Col. Wilmar M. Binag na ang kanyang mga tauhan kasama ang provincial police anti-illegal drugs enforcement unit ay nagsagawa ng buy-bust sa Bgy. Bayanihan bandang alas-5 ng umaga (Mayo 3) na nagresulta sa pagkadakip ng tricycle driver at kanyang menor de edad na kasabwat umano.
Tinawag ni Binag ang arestadong menor de edad, na isang elementary undergraduate, na “drug runner” umano ng nasabing trike driver, na taga-Bgy. Sto. Tomas, Peňaranda, Nueva Ecija.
Dinakip ang dalawang suspek matapos magbenta umano ng shabu na may halagang P500 sa isang operatiba.
Nakumpiska din ang apat na plastic sachets ng shabu na may timbang na 12 gramo at may halagang P76,800.
Samantala, sa isa pang operasyon, timbog din ang isang 55-anyos na land surveyor sa Bgy. San Vicente bandang 9:35 ng Miyerkules ng gabi.
Sinabi ni Binag, ang arestadong suspek, taga-Bgy. Aduas Norte, Cabanatuan City ay hinuli matapos magbenta ng shabu sa isang nagpanggap na buyer.
Narekober naman ang kabuuang 0.8 gramo ng shabu na nakalakip sa anim na plastic sachets at may halagang P5,440.
Ang mga suspek ay nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 sa city prosecutor’s office.