Lolo

Tragedy sa community pantry

April 23, 2021 Melnie Ragasa-limena 506 views
Angel
Ang lolo habang sinusugod sa ospital matapos himatayan. Makikita ring humihingi ng paumanhin si Angel Locsin sa social media. Sources: Facebook, PNA

Lolo pumila sa b-day ayuda ni Angel Locsin, binawian ng buhay

NASAWI ang isang matanda matapos himatayin habang nakapila sa community pantry na inihanda ni Angel Locsin para sa kanyang kaarawan.

Sa inisyal na ulat ng Crime Investigation Section ng Quezon City Police District nangyari ang insidente bandang alas 9 ng umaga, Abril 23, 2021 sa community pantry ng aktres na si Angel Locsin sa No. 36 Holy Spirit Drive corner Don Matias street, Barangay Holy Spirit.

Bigla na lang daw umanong nawalan ng malay ang senior citizen na kinilalang si Rolando dela Cruz, 67, residente ng 413 Marine Road, Barangay Holy Spirit habang nakapila.

Agad na isinugod sa East Avenue Medical Center ang nasabing lolo ngunit dineklara itong dead-on-arrival.

Ayon sa mga saksi, bandang 2:00 ng madaling-araw pa lang ay nakapila na si Dela Cruz sa community pantry ng aktres.

Patuloy na inaalam ng pulisya kung ano ang problemang pangkalusugan ni Dela Cruz, gayundin ang tunay na dahilan ng pagkamatay nito.

Umaga pa lang ay dumagsa na ang mga tao sa community pantry ni Locsin, kung saan nanawagan ang aktres na panatilihin pa rin ang health protocol.

“Hindi po ito ang gusto ko… nagkataon lang po talaga na siguro gutom lang talaga ang mga tao,” ayon kay Locsin.

Humingi rin ng paumanhin ang aktres dahil sa nangyaring mass gathering sa isinagawang community pantry.