
Trabahador na kilos may-ari
NAGKAROON ng malawakang tanggalan ng mga service crew sa Las Vegas, USA noong mga panahong humina ang casino industry nila nang magbukas ang Macau bilang bagong gambling hub sa Asya.
Sinundan pa iyon ng krisis nang bumagsak ang ekonomiya ng Amerika at sunud-sunod ang financial meltdown sa Asya noong mga 1997.
Pero good news sa Las Vegas noong mga panahong iyon dahil karamihan sa mga naiwanan sa food and beverages, and hotel services ay mga Filipino workers. Iba’t ibang lahi ang natanggal pero last man standing ang mga Pinoy.
Ganoon din ang nangyari sa Macao nang humina rin sila, maraming mga Filipino ang naiwanan, lalo na iyong mga Mandarin at Cantonese speaking Pinoy workers. Magagaling daw at masisipag ang mga workers natin sa hospility sectors kaya palaging naiiwanan sa oras na magkatanggalan.
Kaya habang nakikipagkuwentuhan ako noon sa Vegas at Macao, proud Pinoy ito na medyo nagtataas ng kuwelyo matapos marinig ang mga ganitong positive anecdotes ng ating mga kababayan.
Ganoon sana ang hinahanap natin sa mga hospitality sectors dito sa ating bansa, sa hotel man o restaurant. Maraming beses nangyari na ako mismo ay nagsesermon sa mga waiters at mga service crew sa iba’t ibang restaurant or hotels dito sa atin.
Nakaranas na siguro kayo na nabubutas na ang polo mo sa katataas ng kamay para tumawag ng service crew pero kahit isa man sa kanila sampo o labing lima sa kanila ay walang tumitingin sa dining area. Ang dahilan, lahat sila ay nagkukuwentuhan ata ng mga napanood nila habang nasa kitchen at ang iba ay nakaharap sa bar.
Kailan lang, sa One Rockwell pa mismo. Transparent glass ang buong paligid ng loob kaya kita lahat ang galaw ng mga tao sa loob at labas ng restaurant. Kaming mga nasa ourdoor dining, makailang ulit pa kaming tatayo una, para humingi ng menu, para humingi ng tissue at para humingi ng tubig.
Dalawang beses na tumayo ang kasama ko, ganoon pa rin sila, naroon sa bar nagmama-Marites sa isa’t sia habang kaming mga customers ay ngawit na ngawit sa katatawag sa kanila.
Kaya nang ako na ang tumayo dahil walang nakatingin sa mga customers sa labas, pinasok ko silang lahat para sabihin anong klaseng sistema ang umiiral sa kanila.
Habang nasa labas kami, silang mga empleyado ay super kuwentuhan kaya hindi ako nakatiis na sabihin sa kanila na maglagay sila ng spotter na nakatingin sa mga guests para hindi kailangang tumayo pa kaming lahat isa-isa sa pagtawag sa kanila.
Marami na akong napagsabihan mga service crew dito na ganyan ang ugali habang nasa trabaho, iyong inuuna ang daldahan kaysa trabaho. Ito iyong sinasabi ko, lung magagaling ang mga Pinoy sa ibang bansa, bakit hindi nila ito ginagawa dito sa sarili nilang bayan?
Hindi man lang ba magmasalakit huwag na customers, doon na lang sa may-ari ng restaurant nagpapasahod sa kanila. Ito talaga ang malaking problema natin sa maraming manggagawa natin dito, hindi sila kumikilos na parang kapitalista rin kaya nahihirapan silang umunlad sa kanilang trabaho.
Ang kailangan kasi, kapag nasa isang kompanya ka, kumilos ka na parang isa ka sa may-ari sa pamamagitan ng todong malasakit sa lahat ng aspeto ng iyong obligasyon. Kung trato mo sa iyong kilos ay isang lang suwelduhan na tatapos ng 8 hours na duty para makasahod, aba’y talagang hanggang dyan na lang tayo.
Maniwala kayo sa akin, karamihan sa umuunlad na empleyado at kalaunan ay nagiging negosyante o napo-promote agad ay iyong kung maglasakit sa kanyang trabaho ay para isa siya sa may-ari.
Huwag tayong makuntento sa pagiging mininum wager earner, maging masipag tayo at medyo taasan ang sintido-kumon, lalo na kung nasa hospitality service sector tayo.