
‘Tomboyita’ isyu, sinagot… Lorna, naghahanap ng lalaking mag-aalaga at bubuhay sa kanya — Lolit
IBINAHAGI ng talent manager/veteran showbiz columnist na si Lolit Solis na galit sa kanya ang alagang si Lorna Tolentino at siya ang sinisisi nito kung ba’t natsitsismis ang aktres na “tomboyita” ngayon.
Sey ni ‘Nay Lolit sa pa-early Christmas lunch ni Senator Lito Lapid nitong Martes, “Kaya nga galit si Lorna, ‘no, lalaki raw gusto niya, hindi babae! At naghahanap siya ng dyowa na mag-aalaga sa kanya. Naghahanap siya ng lalaking mag-aalaga sa kanya. Lalaki, ha. Basta pwede siyang alagaan at buhayin, type niya ‘yon. Kailangan may pambuhay sa kanya, hindi pambayad sa caregiver.”
Ginawa ni ‘Nay Lolit ang paglilinaw nang uriratin ng press tungkol sa panibagong round ng pamimitik ng kapwa niya beteranang manunulat na ngayo’y vlogger nang si Cristy Fermin sa kanyang mga alaga.
Bago si Lorna, matatandaan na naging laman din ng mga birada ni Tita Cristy si Paolo Contis.
Gaya ng sinabi niya sa Instagram, nagtataka si ‘Nay Lolit kung bakit ito ginagawa ng dati niyang co-host sa isang online show.
Ayon sa kanya, clueless siya sa mga nangyayari. Hindi nga niya alam kung sa kanya ba o sa mga alaga niya may galit si Tita Cristy.
“Wala akong galit sa kanya,” diin ni ‘Nay Lolit, “Wala naman akong maisip na dapat kong ikagalit sa kanya.
Patuloy pa niya, “Ngayon ko nga lang naisip ‘ba’t kaya siya galit sa akin? Hindi naman siguro pwedeng sabihing baka naiinggit siya sa akin, wala naman siyang dapat kainggitan, ‘di ba? Wala namang dapat kainggitan, ‘di ba?
“’Di ba, sinabi ko na nga sa kanya noon, Cristy ‘pag galit ka sa akin, ako ang tirahin mo, ‘wag ano, kasi kawawa naman kasi si Paolo, durog na durog na dahil sa ano, na hindi din alam ni Paolo kung ano ang nagawa niyang kasalanan bakit mo siya binibira.
“So ‘yon, tinigilan niya si Paolo that time. Ngayon naman ang hinaharap naman niya si Lorna. Oo, kaya hindi ko na alam ano rason, ‘di ba?
“Sabi nga ni Lorna, ‘alam mo kaya ako sinasabihang tomboy dahil sa ‘yo, ‘no. Sa akin pa tuloy galit na galit si Lorna ngayon. Oo, galit siya sa akin, kaya raw siya tinatawag na tomboy dahil sa akin.
Kahit nga sila Bong, ang tawag ko baklitang ano, baklitang Bong,” mahabang tsika ni ‘Nay Lolit.
Pati si Christopher de Leon, nawindang umano nang tawagin niya itong “baklitang Boyet” habang nasa isang meeting.
Depensa naman ni ‘Nay Lolit, “I mean, sigurado naman ako na confident sila sa kung anong ano nila, ‘di ba? Kaya ngayon na tinatawag ni Cristy na tomboyita si Lorna, siya na lang naglagay ng malisya du’n, ‘di ba? Kaya hindi ko alam kung sa akin ba galit si Cristy Fermin o sa mga alaga ko.”