Tolentino

Tolentino: Naturalized, natural-born Pinoy players, iisa lang dapat ang karapatan

October 10, 2023 People's Tonight 148 views

SINABI ni Senator Francis “Tol” Tolentino na ang mga naturalized Filipino athletes ay dapat bigyan ng parehong karapatan na tinatamasa ng mga natural-born na manlalaro partikular na sa trabaho.

Nilinaw ni Tolentino ang naturang mga karapatan at pribilehiyo kay Department of Justice (DOJ) Undersecretary Brigido Dulay sa 2024 budget briefing ng ahensya sa Senado.

“Kapag ikaw ay passport holder, ikaw ay naturalized, do you enjoy the same rights as the ordinary Filipino who is also a passport holder? Pareho lang ba, kahit iba ang kulay mo?” tanong ni Sen.

Bilang tugon, sinabi ni Dulay na “The naturalized Filipino enjoys the same privileges as a natural-born Filipino. So I suppose, they should be treated the same.”

Sa pagtukoy sa ilang import players sa Philippine basketball competitions tulad nina Justin Brownlee, Ange Kouame, at Marcus Douthit, iginiit ng senador na dapat silang payagan na maglaro bilang mga lokal sa bansa.

Nilinaw ni Dulay na habang ang mga naturalized na manlalaro ay maaaring magtrabaho sa Pilipinas, nasa pagpapasya pa rin ng mga pribadong organisasyon at negosyo na gumawa ng termino ng kontrata.

Sinabi ng senador na dapat magkaroon ng “pantay na proteksyon sa mga batas.”

Matatandaang si Tolentino ang nangasiwa sa oathtaking ni Gilas Pilipinas hero Justin Brownlee bilang pagpapakita ng katapatan sa Pilipinas noong Enero.

Si Sen. Tolentino rin ang mangunguna sa naturalization hearing ng iba pang manlalaro bilang tagapangulo ng Senate justice and human rights panel.

AUTHOR PROFILE