Default Thumbnail

Tolentino: 2023 budget dapat ‘responsive’ kapag may kalamidad

November 7, 2022 Marlon Purification 265 views

Marlon PurificationSINABI ni Senador Francis ‘Tol’ Tolentino na dapat maging ‘responsive budget’ ang panukalang P5.268-trilyong National Expenditure Program (NEP) para sa taong 2023 upang mabilis makatugon ang pamahalaan sa oras na mayroong mga hindi inaasahang kalamidad na posibleng tumama sa bansa.

Ginawa ni Tolentino ang pahayag sa lingguhang programa sa DZRH bilang tugon sa katatapos na delubyo hatid ng Bagyong Paeng sa iba’t ibang panig ng bansa noong isang linggo.

Dahil sa nakapanlulumong sitwasyon sa mga bayan at lalawigan na tinamaan ng hagupit ni Paeng, iminungkahi ni Tolentino ang panukalang General Appropriations Act (GAA) para sa susunod na taon ay handang bumagay sa sitwasyon sakaling muling tumama ang hagupit ang trahedya Inang Kalikasan na ang hatid ay hindi lamang kamatayan, kundi pagkasira rin ng kabuhayan at lugmok na ekonomiya.

“Year-round na yung calamity natin eh. At yung calamity natin, yung epekto hindi lang naman sa mga bahay at yero, agrikultura, edukasyon. Lahat na pati land transportasyon, gaya nitong naputol na tulay (sa Batangas-Quezon), di ba po? Halos lahat ‘yon apektado na kaya siguro i-adjust yung budget to make it more adaptive and responsive to existing, forthcoming calamities,” ani Tolentino.

Buhay na saksi si Tolentino sa mga delubyong tumama sa bansa nitong nakaraang isang dekada, lalo na noong naninilbihan pa siya bilang chairman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Presidential Political Adviser ng nakaraang Administrasyong Duterte—kung saan kabilang sa mga agarang nirespondehan niya ay ang malalakas na super bagyo kagaya ng Yolanda, Pablo, Sendong, at Ompong, pati na rin ang pagputok ng Bulkang Mayon at Bulkang Taal at maging ang malakas na lindol na tumama noon sa Bohol.

Kahapon, Lunes, ika-7 ng Nobyembre ay nakabalik sesyon na ang Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso kung saan ay inaasahan na tatapusin na ng Senate Committee on Finance ang deliberasyon nito para sa nakasalang na General Appropriations Bill (GAB) sa ilalim ng House Bill No. 4488.

Ayon kay Tolentino, sisiguraduhin niya na magiging isang ‘responsive budget’ ang ipapasang GAB sa oras na pormal itong i-akyat at i-endorso sa plenaryo ng Senado, kung saan nakatakda itong pag-debatehan at susugan bago ito pormal na ipasa bago matapos ang buwan ng Nobyembre.

“Nakatutok lahat ngayon sa National Budget, kung ano yung babaguhin dahil nga kailangan maging responsive sa mga kalamidad,” he said. (JCC)

Sa ganang akin, napakagandang plano ito ni Tolentino.

Magandang pagtuunan ng pansin ang pagkakaroon ng maayos na pondo ang pamahalaan upang tugunan ang anumang trahedya na dinaranas ng bansa taun-taon.

Harinaway matuto tayo sa anumang kamalian ng mga nakaraan na paulit-ulit nangyayari kahit alam naman natin na kada-taon ay nababalot lagi ang bansa ng isang trahedya o sakuna.