LTO

Tiyaking sumusunod sa batas trapiko miyembro ‘nyo

February 27, 2024 Jun I. Legaspi 231 views

LTO sa transport groups:

HINIMOK ni Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II ang mga transport groups na tiyaking sumusunod ang kanilang mga miyembro sa batas trapiko para matiyak ang disiplina sa kalsada.

Sinabi ni Mendoza na may awtoridad ang mga transport group na atasan ang kanilang mga miyembro na igalang ang mga batas trapiko na hindi lamang magreresulta sa maayos na daloy ng trapiko kundi pati na rin sa pagtiyak ng kaligtasan ng mga pasahero.

“Nauunawaan natin ang hirap sa pamamasada subalit meron tayong mga batas trapiko na dapat sundin para hindi tayo makaabala at hindi magresulta sa anumang aksidente lalo na ng ating mga pasahero,” ani Assec Mendoza.

“Hindi puwede na ang mga pasahero ang masusunod kung saan sila bababa at sasakay. Bilang mga tsuper, makakatulong din tayo sa panawagan ng ating Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. na magkaroon ng disiplina ang lahat ng road users,” dagdag pa niya.

Nauna nang hinimok ni Pangulong Marcos ang lahat ng mga motorista na sundin ang mga batas trapiko at mga road safety rules.

Ang panawagan ng Punong Ehekutibo ay sumasaklaw sa mga nagmamaneho ng mga pampublikong sasakyan na obserbahan nila ang mga itinalagang loading at unloading zone, iwasang gamitin ang mga nakatalagang bicycle lane, para sa mga vendor na linisin ang mga bangketa at para sa publiko na gumamit ng mga pedestrian lane.

Sinabi ni Mendoza na susuportahan ng ahensya ang panawagan ng Pangulo sa pamamagitan ng pag-deploy ng mga enforcer sa kalsada upang matiyak na masusunod ang mga itinalagang loading at unloading zone ng mga pasahero, magiging eksklusibo sa mga siklista ang mga bike lanes at sa pagpapatupad ng mga batas trapiko.

AUTHOR PROFILE