
Tanong ni Arlene sa BarDa: Kayo na ba?
Kinaaliwan ng cast ng That Kind of Love, pati na ng entertainment press, si Arlene Muhlach sa mediacon ng nasabing pelikulang pinagbibidahan nina Barbie Forteza at David Licauco (BarDa).
Harap-harapan kasing tinanong ni Arlene ang BarDa sa presidential table ng “kayo na ba?”
Pati kami ay nagulat sa sinabi ni Arlene at tanong nga ng isang kasamahang press, “Hindi ba niya alam na boyfriend ni Barbie si Jak Roberto?”
It turned out na hindi pala niya talaga alam.
Nang may magbanggit sa mediacon ng pangalan ni Jak as Barbie’s BF, doon pa lang niya nalaman.
Kaya naman kaagad siyang nagpaliwanag upon learning the truth.
“Tungkol du’n sa kanila (BarDa), kasi ‘di ko naman alam na meron kang iba pala,” sey ni Arlene kay Barbie.
“Akala ko, parang kayo (ni David), nagkakaligawan,” taklesa pa niyang sabi.
Natawa naman ni Barbie at pinaalalahanan si Arlene na “naka-mic (microphone) po kayo.”
Paliwanag pa ni Arlene, pina-follow naman niya sa IG pareho sina Barbie at Jak pero hindi niya parating nakikita ang posts ng mga ito.
“So, hindi ko alam na merong… ‘kala ko… kaya sabi ko, ‘kayo na ba?’” sey pa niya.
Hirit pa ng aktres, “Kasi, gusto ko sila (BarDa). I mean, kung ako, kung anak kita sa totoong buhay at may mayaman na, mabait pa, simpatico, eh, game na, ‘di ba?”
Pero nag-sorry rin naman si Arlene sa kanyang honest mistake.
“Sorry naman. Hindi ko nakikita lagi sa algorithm, eh,” sey niya.
Pero iginiit niya na kinikilig talaga siya sa tambalang BarDa.
Hindi naman siyempre ito minasama ni Barbie and she took it as a compliment dahil ibig sabihin nga lang nito ay effective talaga ang loveteam nila ni David.
Anyway, nakakakilig naman talaga ang trailer ng That Kind of Love kaya for sure ay ganyan din ang nararamdaman ng BarDa fans.
Showing na ang movie sa July 10 mula sa direksyon ni Catherine Camarillo.