Default Thumbnail

Tama ang Customs sa pagharang sa sibuyas ng PAL crew

January 18, 2023 Allan L. Encarnacion 489 views

Allan EncarnacionHINDI natin masisi ang Customs kung harangin man ang mga sibuyas at lemon na bitbit ng mga PAL crew.

Hindi natin puwedeng ikumpara ang smuggling ng isang container van ng sibuyas at isang kilo kapag batas ang pinag-uusapan.

Malinaw naman ang regulasyon ng Customs at ng Bureau of Plant Industry (BPI) na hindi puwedeng ipasok sa bansa ang mga prutas, gulay at halaman sa ating bansa nang walang clearance.

Kailangan nating maunawaan na ang batas at polisiya na ito ay para sa kaligtasan ng buong bansa. Ang mas mabigat dito, nakapartikular pa pala sa polisiya na bawal ipasok sa bansa ang prutas at gulay na galing sa Dubai at Riyadh.

Ang wisdom dito ay iniiwasan ng gobyerno na makapasok sa bansa ang anumang peste o anumang sakit na dala ng halaman at prutas o gulay na makakahawa sa mga ating mga crops.

Mismong mga taga-Customs na ang nagsabi na mas mahigpit ang pagbusisi nila sa mga flight crew dahil historically, may mga kaso na ng smuggling ng mga alahas at mga luxury items na ang gumawa ay ang mga flight attendants. May mga napa-convict na umano silang flight attendant na smuggler.

Ang isa pang isyu rito, hindi rin kasi idineklara ng PAL crew na may bitbit silang mga sibuyas at prutas. Ang sistema kapag idineklara mong may dala kang gulat at prutas, halimbawa ngang galing sa bansang hindi ban; isasailalim na ang mga ito sa “quarantine at disinfections” batay sa regulasyon bago mo pa mailabas sa airport or sa seaports. Sa kasong ito, aboslute ban pala kapag mula sa Dubai at Riyadh kaya “now way out” ang mga dala ng PAL crew.

Sa isang banda, bilang flight crew, mga persons in authority sila na dapat alam nila to the letter ang polisiya sa pagpasok at paglabas ng anumang produkto.

Sa biglang tingin, sasabihin nating over acting ang Customs dahil for personal consumption lang naman ang quantity ng sibuyas at lemon na dala ng 10 flight attendants. Pero sa totoo lang, dapat saluduhan ang mga taga-Customs sa kanilang ginawa dahil ang sinasagip nila ay ang buong agriculture industry natin.

Isipin nating mabuti, kahit isang peste lang ang makalusot, kaya nitong sirain ang buong sistema ng ating agrikultura na magiging sanhi ng food shortage sa ating bansa.

Nakikisimpatiya tayo sa mga PAL crew subalit kailangang mangibabaw ang batas at polisiya para sa kabutihan ng bansa.

Natatandaan ko, kahit saang bansa ka magpunta, lalo na sa Amerika, kapag pumasok ka sa airport nila na may dala ka kahit isang saging or mansanas, kukumpiskahin agad ng airport authorities.

May mga pagkakataon pa na kahit iyong dala mong sandwich na may gulay or keso or chicken or beef, kukumpiskahin din dahil ganoon talaga kahigpit ang polisiya ng iba’t ibang bansa sa pagpasok ng mga peste sa pagkain.

Sa halip na kondenahin ng mga pulitiko ang Bureau of Customs, dapat pa nga silang purihin dahil sa kanilang istriktong pagsunod sa mga batas na magbibigay-proteksiyon sa buong bansa.

***

Binalaan ng Korte Suprema ang mga abogado ng disbartment kapag nakipareglasyon sa kanilang mga kliyente.

Hindi raw tama na pinagsasabay ang court hearing at ang romansa.

Kunsabagay, malaswa nga naman na may naglalandian sa korte habang dinidinig ang kaso!

Joke, masyado naman kayong seryoso.

Paano nga kaya kokontrolin ang pag-ibig kapag araw-araw magkasama si kliyente at si abogado?

Sabi ng SC, walang masama kung magkarelasyon na si lawyer at si client bago pa ang court litigation.

Pigilan muna ang pintig ng puso, atty.

[email protected]