Default Thumbnail

Swimming lesson ng batang babae, 7, nauwi sa trahedya

August 27, 2022 Edd Reyes 291 views

NAUWI sa trahedya ang pagtatapos ng swimming lesson ng pitong-taong gulang na batang babae nang makita ang kanyang katawan sa ilalim ng pool, Biyernes ng gabi sa Navotas City.

Tinangka pang sagipin ng kanyang tiyahin ang Grade 2 na mag-aaral na residente ng Barangay NBBS Dagat-Dagatan, katulong ang naka-antabay na Red Cross team na nagsugod sa bata sa Navotas City Hospital, subalit idineklarang patay na nang idating sa naturang pagamutan.

Sa imbestigasyon ni P/SSgt. Karl Benzon Dela Cruz ng Navotas Police Investigation Section, isinama ng kanyang tiyahin ang bata sa isang swimming lesson sa Tumana Complex Swimming Pool sa Brgy. Tumana, kasama ang isang anak na batang lalaki ng tita ng biktima.

Dakong alas-6 ng gabi matapos ang isinagawang pagtuturo sa bata na lumangoy, pinuntahan ng tiyahin ng biktima ang anak na lalaki sa kabilang swimming pool upang sunduin habang nakaupo sa gilid ng swimming pool ang bata.

Nang bumalik ang ginang, kasama ang anak, wala na sa kinauupuang gilid ng pool ang pamangkin kaya’t kaagad niyang hinanap ang bata at nakita niya ito na nasa ilalim na ng tubig.

Kaagad na tumalon ang ginang sa swimming pool upang i-ahon at sagipin ang bata bago tinangka ng mga naka-antabay na Red Cross team na gawan ng paraang maibalik ang hininga.

Nang mabigo ang mga tauhan ng Red Cross na ma-revive ang bata, ipinasiya na nilang isugod ang biktima sa pagamutan subalit idineklarang wala nang buhay ng attending physician.

AUTHOR PROFILE