Posas

Suspek sa pagmartilyo sa ulo ng dalagita timbog

October 25, 2023 Edd Reyes 192 views

NATIMBOG na ng pulisya ang suspek na walang awang pumatay sa 17-anyos na dalagitang estudyante, isang araw matapos ang nangyaring krimen noong Lunes sa Caloocan City.

Hindi na pumalag at kusa na ring sumuko sa mga umarestong pulis ang 40-anyos na suspek na si alyas “Ar-Jay,” kapitbahay ng Grade 12 na biktimang si “Daisy,” at inamin ang kanyang nagawang krimen sa harap mismo ni Caloocan police chief PCol. Ruben Lacuesta.

Sa kanyang isinumiteng ulat kay Northern Police District Director PBGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Lacuesta na lasing ang suspek nang pasukin sa loob ng bahay ang nag-iisang biktima at inamin na plano sana niyang halayin ito.

Subalit nataranta any suspek nang magsisigaw at manlaban ang dalagita, kaya’t hinataw niya ng sunod-sunod sa ulo gamit ang martilyo.

Gayunpaman, sinabi ni Lacuesta na hihilingin nila na mapasailalim sa genital examination ang bangkay ng biktima upang alamin kung nagahasa ang dalagita bago pinatay.

Ayon kay Lacuesta, bukod sa kinilala ng ama ng biktima ang suspek na nakita sa CCTV camera na pumasok sa loob ng kanilang bahay, dalawa pang testigo ang nagpatunay na nakita rin nila ang suspek nang lumabas ng bahay na may bahid ng dugo ang suot na checkered na short.

Bukod sa dalawang testigo at martilyong may bahid ng dugo na nakuha sa crime scene, nakumpiska rin ng mga pulis sa suspek, nang madakip sa may Libis, Nadurata Street sa Barangay 18, ang dala niyang backpack na naglalaman ng kanyang short at tsinelas na may bahid ng dugo at wallet na may lamang ID ng biktima.

Ang mga ito ay gagamiting ebidensiya sa paghahain ng kasong robbery with homicide sa Caloocan City Prosecutors Office, dahil sa ginawang pagnanakaw sa cellular phone at pera ng biktima, pati na ang mga tools sa loob ng bahay.

Sinabi pa ni Lacuesta na may record na sa kanilang himpilan ang suspek sa paggamit ng ilegal na droga at sa oras aniya na lumabas sa resulta ng genital examination na hinalay ang biktima, karagdagang kaso pa ang isasampa nila sa suspek.

AUTHOR PROFILE