Stell at Justin ng SB19

Stell at Justin ng SB19 nakihataw sa Streetboys 

November 9, 2024 Ian F. Fariñas 280 views

MALAKING surpresa sa fans ang pakikipag-showdown nina Stell at Justin ng SB19 sa Streetboys sa “SB90s: The Streetboys Reunion Dance Concert” na ginanap sa New Frontier Theater nitong Biyernes ng gabi.

Game ngang nakipaghatawan ang dalawa sa ilang pinasikat na dance steps nina Vhong Navarro, Jhong Hilario, Spencer Reyes, Danilo Barrios at iba pang miyembro ng ’90s all-male dance group sa gitna ng tilian at hiyawan ng fans.

Matatandaan na sa mediacon ng nasabing reunion dance concert ay nabanggit ni Vhong na sinubukan nilang imbitahin mag-guest ang SB19 kaso may prior commitment na ang mga ito.

Kaya naman ganu’n na lang ang pasasalamat ng grupo na napagbigyan nina Stell at Justin ang kanilang kahilingan.

Matapos magsayaw, nag-congratulate ang dalawang miyembro ng sikat na P-pop group at kinilala ang Streetboys bilang “totoong idol ng lahat.”

Ani Stell, once in a lifetime opportunity ang makasabay sa dance floor ang legendary dance group.

Balita nga raw niya, lahat ay nagtitilian ‘pag sumayaw na ang grupong alaga ni Direk Chito Rono.

“Sa totoo lang, kayo po ang inspirasyon ng mga parents namin,” biro pa ni Stell, “tuwang-tuwa nga po ang magulang ko na nakasayaw ko kayo, nakasama ko na ang mga ninuno namin.”

Ibinalik naman ni Jhong ang pasasalamat sa dalawa dahil alam umano nila kung gaano ka-busy ang mga ito ngayon.

Anyway, solb na solb nga ang Streetboys fans sa katatapos na reunion dance concert dahil pinatunayan ng grupo na wala pa ring kupas ang liksi at husay nila pagdating sa pagsasayaw.

Mahigit dalawang oras tumagal ang show. Very touching ang isa sa highlights nito kung saan maluha-luhang pinasalamatan ng grupo si Direk Chito, na nagsilbing manager at tatay-tatayan nila sa loob ng 31 years.

By the way, ang “SB90s: The Streetboys Reunion Dance Concert” ay prinodyus ng A-Team Management ni Ogie Alcasid. Siyempre, naroon ang singer-songwriter kasama ang misis niyang si Regine Velasquez.

Dumalo rin para sumuporta kina Vhong at Jhong ang “It’s Showtime” family, sa pangunguna nina Vice Ganda, Ryan Bang, atbp.

AUTHOR PROFILE