Marlon

Standard price dapat ang presyo sa driving schools

July 29, 2024 Marlon Purification 409 views

BILIB tayo sa liderato ni Asistant Secretary Vigor Mendoza bilang hepe ng Land Transportation Office (LTO).

Isang taon pa lang ito sa puwesto ay maraming accomplishments na siyang nagawa.

Unang una rito ang pagsasaayos sa 990,000 backlog na mga motor vehicle plates.

Gayundin ang backlog para naman sa plaka ng mga motorsiklo na umabot ng 13 million ang naging kakulangan noong mga nakalipas na taon.

Kahit ang problema sa mga plastic cards ng drivers license ay naisaayos ng liderato ni Vigor dahil pag-upo niya sa puwesto noong Hulyo ng nakalipas na taon, siniguro ng LTO ang pag-bid out ng Department of Transportation (DOTr) sa 9.7 million plastic cards na mga drivers license.

Dati, inirereklamo ng mga awtoridad at motorista ang matagal na pag-isyu ng car plates na nagagamit sa krimen ng masasamang elemento ng lipunan.

Kahit ang kawalan ang plastic cards ng mga drivers license ay inaangal ng mga riders dahil silang mga nagmomotorsiklo ang madalas nababasa ng ulan sa kalsada at sakaling papel lamang ang kanilang lisensiya, siguradong madali rin itong masira.

Ang sumatutal, dahil sa maayos na pamamahala ni Asec Vigor, lahat ng malalaking problemang ito ay natugunan ng magaling, matalino at masipag na LTO chief.

Maging ang problema sa mga fixers ay unti-unti na ring natutugunan ng LTO ngayon. Bagaman mayroon pa rin nito sa ilang LTO branch, pasasaan ba ay malilinis na sila nang tuluyan.

Sa puntong ito, may nais tayong ipanawagan kay Asec Vigor.

Baka puwedeng pagtuunan naman nitong pansin ang presyo ng mga driving school sa ngayon.

Hindi kasi pare-parehas ang presyo nito na nagiging ugat din ng korapsiyon. Marami ring mga kababayan nating naabuso dahil sa pagkagahaman sa pera ng ilang may ari ng driving schools.

Iyong iba o marami są mga driving school ngayon ay sinasamantala ang mga pobreng nagnanais matuto magmaneho.

Kung makasingil sila ay hindi na makatao dahil higit pa sa sobra sa dapat sana’y tamang singilin lamang.

Maraming driving school ngayon ay naniningil ng P2,500 kaagad para ma-proseso ang kanilang aplikasyon sa mga driving school. Kabilang sa baya ring ito ang bayad sa medical, student license at driving school certificate.

Ang singling nila para mag-aral sa pagmamaneho ng motorsiklo ay P2,500 at P4,000 naman ang para sa apat na gulong na sasakyan.

Ang LTO mandated fees ay P100 filling fee; P585 para sa lisensiya at P750 para sa practical driving.

Maaaring mababa ang presyong ito o baka nga mataas pa.

Pero kung maglalabas ng sarili nilang ‘matrix’ ang LTO upang sundin ng lahat ng driving school ang singilin sa mga gustong mag-enroll sa kanila baka marami pa tayong kababayan na matulungan.

Hanggang ngayon ay lantad din ang bilihan ng driving certificate na dapat din nilang pagtuunan ng pansin.

At kung magkakaiba ang kotseng gagamitin sa pag-aaral magmaneho, dapat ay magkaroon din ng standard price rin na ipalabas. Dapat ay isa lamang ang presyo ng SUV (depende sa brand) at dapat iba rin ang singilin sa mga sedan na kotse.

Naniniwala tayong maliit na bagay lamang ang kahilingan nating ito. At kung matutugunan agad ito ni Asec Vigor, ngayon pa lang ay sinasaluduhan na natin siya.

Kudos sa LTO chief at sa mga magagaling at tapat niyang tauhan, lalo na są veteran transport reporter na si Mr. Jun Legaspi ng Journal Group of Publications.

Sa maayos na liderato ni Vigor, wala na ngayon są isipan ng taumbayan na LTO ang isa sa pinaka-corrupt na ahensiya ng pamahalaan.