Allan

Walang ka-Paris!

July 29, 2024 Allan L. Encarnacion 268 views

OPENING ceremony like no other. Ganito kung ilarawan ng buong mundo ang naganap na opening ng Olympics sa Paris, France.

Karaniwan, sa stadium or covered events place idinaraos ang pagbubukas ng world olympic na nagaganap kada-ikaapat na taon.

Sa pagkakataong ito, thinking aloud at thinking out of the box ang Paris olympic committee at doon nila idinaos sa Seine River, isang pamoso at grandiosong city view na pangarap mapuntahan ng mga umiibig at gustong mapaibig. Mabigat ang ginawang opening at Olympic hosting ng Paris kaya kailangang matapatan kung hindi man mahigitan ng 2028 Olympic host na Los Angeles, USA.

Hindi ko alam kung bakit ganoon ka-metikuloso ang French governtment at ang kanilang citizens para ma-preserve at patuloy nilang mapaganda ang kanilang sentrong atraksiyon. Bigyan din natin ng kredito ang mga mamamayan ng France, lalo ng Paris in particular dahil may kontribusyon din sila sa pananatili ng ganda ng paligid.

Nakatuwang makita ang lugar na pinaganda ng pamahalaan pero hindi binababoy ng kanilang mga mamamayan. Marami-rami na rin naman akong lugar na napuntahan, puwede kong sabihin na kakaiba rin talaga ang Paris. Mayo lang ngayong taon ako nang unang pagkakataong makapunta sa Paris kaya gumuguhit sa iminasyon ko ang Seine River na pinagdausan ng opening ceremony ng Olympics.

Nakapag-cruise kami sa mismong ilog na iyon na umikot sa buong city of Paris habang humahaplos ang malamig na klima. Kitang-kita mo ang malinis na katubigan na walang nagtatangkang magtapon ng basura o kaya’y nakaupong patalikod habang nakasuklob ang damit sa ulo na nahihiya kasi umeebak.

Sa tagal ng pag-ikot namin sa Seine River, wala ka ring makitang nag-squat na pamilya or isa, dalawang tao para doon na manirahan “pangsamantagal” o pansamantalang-matagalan. Ang makikita mo sa pampang ay mangilan-ngilan na namimingwit pero kailangan pa pala ng permit para makapamamingwit ka doon.

May mga restaurant sa gilid ng ilog pero malinis at walang waste disposal. Malayong-malayo sa mga negosyanteng pinayagan noong magtinda sa Baywalk sa panahon ng dating alkalde. Kaya naipasara ang mga bar and restaurant sa Baywalk kasi kalaunan, ginawang malaking basurahan ang katubigan at ang bangketa. Mga baboy talaga ang iba nating kababayan!

Hindi lang sa Seine River kapansin-pansin ang linis sa Paris, naikot namin halos ang buong paligid ng Eiffel Tower, The Louvre Museum hanggang doon sa shooting site ng Emily in Paris, talagang masisiyahan kang gumala sa linis. Kung minsan, ang nagiging katwiran ng iba sa atin ay 3rd world tayo kaya ganoon ang ugali ng iba sa atin kaya hindi puwedeng ikumpara sa France na isang first world.

Iyon na nga talaga ang problema natin dito sa atin. Pasintabi sa ibang kababayan natin, iyong mga nakatira sa tabing ilog or kung saan mang slums, puwede naman silang maging masinop sa pagtatapon ng basura at pagme-maintain sa kalinisan ng kanilang paligid pero mas nauuna ang kaisipan ng kanilang kinalalagyan. Porke’t ba hindi mo sariling bahay at hindi mo sariling bakuran ay puwede mo nang dumihan hangga’t gusto mo?

Puwede namang nasa slums area ka pero maayos at may sistema ka sa pagtatapon ng basura. Kaya nga may mga mahihirap tayong kababayan na kalaunan ay umuunlad dahil hindi iyong pagiging mahirap nila ang nagpahina at kumulong sa kanilang isipan. Nag-isip silang umahon sa kahirapan kaya sila nag-aral at nag-ayos ng sistema sa buhay at ng kanilang sitwasyon. Ang mga ganitong tao na ipinanganak na mahirap pero nagpursigi sa buhay ang umuunlad kalaunan. Hindi sila nakuntento sa “kaisipang mahirap lang ako, wala akong sariling bahay kaya wala akong pakialam sa paligid ko.”

Palagi ko ito sinasabi sa aking mga anak, start small but think big. Hindi bale ka nang magsimula sa mahinaan at maliitang posisyon basta tumatag ka sa mas malaking pangarap para mas maabot ang maliwanag na bukas.

Ang layo na ng napuntahan ng ating usapan, nagsimula lang tayo sa Paris bigla tayong napunta sa maaayos na kaisipan at maayos na buhay. Ang tototoo, wala naman kasing pinag-iba ang Paris Olympics sa kanya-kanya nating “life olympics.” Kung hindi mo kayang maabot ang ginto, makikupagkumpetensiya ka lang nang parehas at tama, champion ka na rin sa buhay.

Ang mahirap kasi, habang nagsisimula na ang pagligsahan para humarap sa mga hamon ng buhay, naroon ka pa rin sa banig at nakahiga, naroon ka sa inuman, busy ka sa kababarkada kay Marites, abala ka sa pagsira sa kapwa mo at lumilipas ang iyong maghapon nang hindi ka nagbabanat ng buto.

Tapos gusto mong maka-ginto! Ano ka, sinusuwerte?

allanpunglo@gmail,com