Pimentel1 Surigao del Sur Rep. Johnny Ty Pimentel

SOLON BINIRA SMNI

December 9, 2023 People's Tonight 132 views

TINAWAG ni Surigao del Sur Rep. Johnny Ty Pimentel ang Sonshine Media Network International (SMNI) na diumano’y isang “serial harasser” at “irresponsable umanong network.”

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House committee on legislative franchises nitong Martes, sinabi ni Pimentel na nakakaalarma ang ginagawa ng SMNI na umano’y panghaharass ng mga indibiduwal at pagpapakalat ng sinasabing maling impormasyon.

Dinidinig ng komite ang mga posibleng paglabag ng SMNI sa prangkisa nito.

“It seems that SMNI has a pattern of harassing individuals and entities using false information. I sincerely believe that SMNI is being used as a tool to spread false information with regard to attacking, maligning, destroying the reputation of certain individuals and entities,” sabi ni Pimentel.

Ipinunto ni Pimentel na ang SMNI ay nahaharap sa reklamo hindi lamang sa korte, kundi maging sa mga organisasyon gaya ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas, Movie Television Review and Classification Board, at National Telecommunications Commission.

Kasama umano rito ang kasong isinampa ng pamilya ng nawawalang estudyante ng University of the Philippines na sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan, at ng brodkaster na si Atom Araullo, na inugnay ng network sa komunistang grupo.

Natalakay din sa komite ang sinabi ni SMNI anchor Lorraine Badoy na nag-uugnay kay dating Vice President Leni Robredo sa komunistang grupo.

Paliwanag ni Badoy, ang naturang pahayag ay kanyang ginawa bilang bahagi ng kanyang trabaho bilang strategic communications cluster head ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC.

Pinagsusumite ng komite si Badoy ng mga dokumento upang patunayan ang sinabi nito na ang kanyang pahayag ay opisyal na posisyon ng gobyerno.

Sinabi ni Pimentel na nilabag umano ng SMNI ang 2007 Broadcaster Code of the Philippines, partikular ang kredibilidad ng source ng mga balita nito.

Lumabas sa pagdinig na fake news ang naiulat na gumastos umano si Speaker Ferdinand Martin Romualdez ng P1.8 bilyon sa mga biyahe.

Ayon kay House Secretary General Reginald Velasco, mula Enero hanggang Oktubre 2023, P39.6 milyon lamang ang ginastos ng mga kongresista at mga empleyado ng Kamara sa biyahe, kasama na ang P4.3 milyon na ginastos ng Office of the Speaker.

“Makikita talaga natin SMNI is not a responsible network,” sabi ni Pimentel.

Malayo umano ang ginagawang ito ng SMNI kumpara sa ibang network.

Iginiit ni Pimentel ang kahalagahan ng pagpapakalat ng tamang impormasyon lalo na sa panahon ng kalamidad at mga makapagpapabuti sa kalagayan ng mga Pilipino.

“In this case, makikita talaga natin SMNI is not doing that, but rather SMNI is being used as a platform to malign, to destroy, sisiraan ang isang tao, isang entity, which is a clear violation of Section 4 responsibility to the public,” sabi ni Pimentel.

Iginiit rin ni Pimentel ang kapangyarihan ng Kamara na bawiin ang prangkisang ibinigay nito.

“I hope na nakikita po ng committee itong mga kasalanan ng SMNI, itong mga infractions nila. It is within our power to approve, to amend or to revoke or to repeal any franchise holder na nakikita natin who is not in compliance with the provisions in their franchise,” giit ng mambabatas.

AUTHOR PROFILE