Shayne

Shayne hindi makalimutan ang pag-iwan sa kanila ng ama

June 3, 2023 Aster Amoyo 212 views

NAGING emosyonal ang Sparkle actress na si Shayne Sava nang mapag-usapan ang tungkol sa pag-iwan sa kanila noon ng kaniyang ama.

Sa episode ng Fast Talk With Boy Abunda, isa sa mga naging unang tanong ng batikang TV host na si Boy Abunda ay tungkol dito.

Kuwento ni Shayne, anim na taong gulang pa lamang siya nang sumama ang kanyang ama sa ibang babae na ipinakilala lamang na kaibigan noong una.

Aminado si Shayne na bagamat nag-uusap na silang muli ng kanyang ama ay hindi pa rin maalis ang mga tanong sa kanyang isipan kung bakit sila iniwan nito noon.

Tanong ng aktres sa kanyang ama, “Kung nanonood ka po ngayon, gusto ko lang tanungin kung hindi pa ba kami naging sapat sa’yo nu’ng mga bata kami, kung bakit mo kami iniwan? Hindi mo ba talaga kami mahal?

“As in nakita ko kung paano nag-beg ‘yung mama ko, lumuhod po talaga siya. Tapos nu’ng umalis na po talaga ‘yung daddy ko it was really traumatizing kasi nakita ko kung gaano kawasak ‘yung mama ko no’n.”

Nagpapasalamat naman si Shayne sa kanyang ina dahil ito ang kanyang itinuturing na superhero ng kanyang buhay.

“Gusto ko lang po sabihin sa inyo na I’m very very proud of you kasi superhero ko po kayo. Kung wala ka po sa amin hindi ko po alam kung saan kami pupulutin hanggang ngayon. And sobra po akong nagpapasalamat sa inyo kaya I love you so much, mama,” ani Shayne.

Paglilinaw naman ni Shayne, bumabawi na sa kanila ngayon ang kanyang ama lalo na sa kanyang nakababatang kapatid.

Christian inaming minsang inisip na tumigil sa pagkanta

ChristianITINUTURING ni Christian Bautista na peak ng kaniyang karera nang tangkilikin maging sa bansang Indonesia ang kaniyang awiting “The Way You Look at Me,” na nagpabago sa kaniyang buhay.

“Kasi hindi ko alam na ang mga taga-ibang bansa ay mag-a-appreciate ng career ko at ng isang Christian Bautista,” sabi ni Asia’s Romantic Balladeer.

“Noong first time na dumating ako roon, they were singing my songs na hindi ko alam ‘yun pala ang power of airwaves, TV and radio,” balik-tanaw ni Christian. “I was in an Indonesian stage with a 40-piece orchestra, and they were singing The Way You Look at Me. I felt really good,” saad niya.

Binalikan din ni Christian ang pagsali niya noon sa isang singing competition na hindi siya ang itinanghal na panalo.

“Honestly noong natanggal ako, I thought it wasn’t for me. Balik na ako sa office or landscape architecture or what. Pero parang na-realize ko, ‘Okay let’s give it another shot.’”

“And then nag-audition ako sa isang label and then binigay sa akin ‘yung The Way You Look at Me, the song that changed my life.”

Pag-amin din ni Christian, may mga pagkakataon sa kanyang buhay na gusto niya niyang tumigil sa pag-awit.

“Many times. ‘Pag wala nang masyadong nangyayari, ‘Ito na ba?’ Lahat kami, lahat tayo may timeline. Or pahinga ba ‘yan? Or huwag muna? Or next time?,” saad niya.

“‘Pag inaral mo rin ‘yung mga career ng iba’t ibang singer or actor meron silang lull time na iba muna ‘yung ginagawa nila, nag-iibang bansa, ibang project, business,” dagdag niya.

Kung ilalarawan niya ang kaniyang makulay na karera ng 20 taon, ito ay sa pamamagitan ng salitang “grit.”

“Mahirap sa industriyang ito. Hindi siya madali. Merong mga good days, bad days, good months, bad months, good years. Alam mong hindi merong laging success na sometimes ikaw ‘yung gagawa o ikaw ‘yung maghahanap. Minsan kailangan hanapin mo siya or you build it yourself,” paglalahad niya.

Ayon pa kay Christian, hindi rin maiiwasang maghanap ang mga singer ng papuri at palakpak mula sa mga tao.

“Tapos kapag nawala, minsan nawawala ‘yung center natin, ‘O bakit wala nang applause, wala nang acclaim? That’s why God is so important, faith is so important,” paliwanag niya.

Yasmien binisita ng anak sa set

YasmienONGOING na ang taping para sa GMA’s upcoming mystery drama series na ‘The Missing Husband.’

Ngayong 2023, mapapanood ang naturang programa sa GMA Afternoon Prime, kung saan makikilala ang mga bida sa serye na sina Rocco Nacino, Yasmien Kurdi, at Jak Roberto.

Kamakailan lang, habang nasa set ng bagong proyektong kanyang pagbibidahan ay binisita si Yasmien ng kanyang anak na si Ayesha.

Sa Instagram stories, makikitang ibinahagi ng aktres ang isang clip, kung saan makikita silang nagkukulitan ng kanyang anak na mayroong text na, “May visitor akong pretty.”

Kapansin-pansin naman na madalas ding sinasamahan si Yasmien ng kanyang non-showbiz partner na si Rey Soldevilla sa kanyang mga taping at iba pang activities bilang isang aktres.

Samantala, sa isa pang story ni Yasmien sa Instagram, makikita naman ang larawan nila ng kanyang co-star na si Max Eigenmann.

Si Yasmien ay mapapanood sa serye bilang si Millie, ang mapapangasawa ni Anton (Rocco) na kapatid ni Leila (Max Eigenmann).

Bukod sa mga nabanggit na aktor, mapapanood din sa serye sina Joross Gamboa, Sophie Albert, Nadine Samonte, Bryce Eusebio, Shamaine Buencamino at marami pang iba.

AUTHOR PROFILE