Sharon & Gabby

Sharon, sumasakit ang ulo sa ‘Dear Heart’ concert nila ni Gabby

August 18, 2023 Vinia Vivar 498 views

May mensahe at paliwanag si Sharon Cuneta sa lahat ng nanghihingi ng complimentary tickets sa kanya para sa reunion concert nila ni Gabby Concepcion na “Dear Heart” na gaganapin sa October 27 sa SM Mall of Asia Arena.

Ayon sa Megastar sa Instagram post ngayong araw, sumasakit na ang ulo niya sa rami ng nanghihingi ng compli tickets.

“Tuwing magkakaconcert ako, pinakasumasakit ang ulo ko hindi sa gagawin ko sa show, kundi sa dami ng humihingi ng Complimentary o libreng tickets!” ani Sharon.

“Limited lang po ang complimentary tickets ko – at sa totoo lang, itong concert na ito ang pinakanagpasakit ng ulo ko!” patuloy niya.

Siya raw ay bumibili ng tickets ‘pag may shows ang mga kaibigang kapwa-performer/singer tulad nina Regine Velasquez, Gary Valenciano, atbp. bilang suporta sa mga ito.

“‘Pag may shows po ang mga kaibigan ko – sina Regine, Gary, etc. — bumibili po ako ng tickets bilang suporta sa kaibigan at kapwa performer at singer.

“Kaya nagpapasalamat po ako sa lahat ng friends at family members ko na di na ako iniistorbo at kusang bumibili ng tickets nila,” aniya.

Paliwanag ni Mega, ubos na ang compli tickets niya at biro nga niya, kung bibili pa siya para ipamigay ay baka maubos na ang kanyang talent fee.

“Sa totoo lang po, aga naubos ng complimentary tickets ko. Pag ako pa bumili baka si Gabby na lang kumanta dahil mauubos ang sweldo ko sa kalilibre,” aniya.

Aware naman daw sila na hindi biro ang presyo ng tickets at paliwanag niya, ito ay dahil malaki rin ang production cost.

“Pasensiya na po at nagtatrabaho lang ang girl nyo! Kung pwede lang ilibre ko lahat kayo pero siempre di ko kaya. Thanks so much for understanding. Love you all!” ang pahayag pa ni Shawie.

Available na ang tickets para sa “Dear Heart” concert nina Sharon at Gabby. Medyo pricey naman talaga dahil ang pinakamahal na tiket (SVIP) ay nagkakahalaga ng P18,500. Pero may affordable rin naman, ang General Admission na P1,200.

AUTHOR PROFILE