Shaira

Shaira at EA sinagot ang tanong kung nagli-live in na sila

September 13, 2023 Aster Amoyo 275 views

NGAYONG 10 taon na bilang magkasintahan, sinagot nina EA Guzman at Shaira Diaz ang tanong kung nagli-live in o nagsasama na ba sila sa iisang bubong kahit hindi kasal?

“Nagli-live in na ba kayo? Yes or no,” tanong ni Super Tekla kay EA sa pagsalang niya sa isang lie detector test sa The Boobay and Tekla Show.

“No,” mariing tugon ng aktor.

Lumabas sa lie detector test na “truth” ang sinagot ni EA pero si Shaira na ang unang nagsalita tungkol dito.

“Baka magkasawaan eh,” biro ni Shaira.

“Pero I think may good side rin naman siya para sa iba, kasi mas nakikilala nila ‘yung partners nila. At saka gusto ko ngang makapagtapos muna. Medyo ang dami ko pa talagang priorities bago kami mag-ano… mag-asawa,” dagdag pa ng dalaga.

Ayon naman kay EA, kung lalagay na sila sa tahimik, plano nila ni Shaira ang isang church wedding.

“Kasi ‘yun ang faith namin. Gusto namin witness si Lord talaga, nasa center. Tsaka nakikita ni Lord, andu’n si Lord sa amin,” sabi ni EA.

Sa tanong na ilan ang pinaplano nilang anak, parehong sumagot sina Shaira at EA na dalawa ang kanilang gusto.

“Gusto lang namin is small family,”paliwanag ni EA.

“Babae at lalaki,” sey ni Shaira.

Nang tanungin kung ano ang mensahe ni Shaira sa kaniyang nobyo, saad niya:

“Gusto ko lang sabihin sa ‘yo Baba [tawagan nila] na sa 10 years natin, mas lalo pa kitang minamahal at saka mas lalo pa kitang naa-appreciate sa araw-araw. Gusto kong sabihin sa ‘yo na ikaw na ang gusto kong makasama habambuhay. Pagbutihin pa natin sa trabaho natin. Sobrang love kita.”

Sabi naman ni EA sa kaniyang nobya: “I just wanna say thank you sa pagmamahal and thank you sa genuine love na binibigay mo sa akin every day. Tama sila, ‘yung ganitong relasyon na matagal na, 10 years na, para na lang kayong mag-best friend, kumbaga hindi niyo na pag-aawayan ‘yung mga maliliit na bagay, kumbaga update kayo pero kumustahan, kulitan, and sa ‘yo ko nakita ‘yon.

“I’m happy and proud na meron akong isang katulad mo dahil you give sunshine every morning, sabi nga ng Unang Hirit, ‘morning sunshine.’ Para sa akin, every day gumigising ako, magkasama man tayo sa out of the country, ‘pag gumising na ako ikaw ang nakikita ko. Iba ‘yung dating sa akin, ang ganda ng araw ko. So thank you so much. Ikaw na rin ang gusto ko. Lahat ng ginagawa kong ito, lahat ng pag-iipon ko, lahat ng goal ko sa buhay, lahat ng plano ko sa buhay, kasama ka at para sa ‘yo,” pagpapatuloy pa ni EA.

Joross gustong magdirek, may story ideas na

GUSTONG maging direktor ng aktor na si Joross Gamboa.

May tatlong stories na ipi-pitch si Joross sa ilang producers na dasal niya ay mabigyan ng chance na magawa.

“Gusto ko, ‘yung idi-direct ko, ako rin ang magsusulat. One is a sports comedy with a twist. Magugustuhan ito ng mga bagets because the treatment is light. About basketball, ako ‘yung bida. Sayang dahil ako na rin ang nag direct, pero hindi ako ‘yung magaling.

“Ang bida ‘yung storya. Inspired by Stephen Chow’s kind of comedy. Gusto kong leading lady si Alessandra de Rossi. Isa siya sa pinakamagaling na leading ladies pagdating sa batuhan ng linya.

“Kapag nag-absorb siya, may ibinabalik siya agad sa ‘yo. Magaling siyang artista. Laging may makukuha ka agad sa kanya. Magaling siya sa comedy at drama,” sey ni Joross.

Ang isang story ay tungkol sa cancer na naapektuhan ang isang pamilya.

“Personal experience ko rin dahil ang mommy ko nagka-cancer, but gumaling na rin siya. But my lola died of cancer in 2017, before the pandemic.

“Ang gusto kong bida, Angel Locsin or Judy Ann Santos. Tatlong may cancer then may nag-aalaga sa kanila. May pagka ‘Patch Adams’ na babae ang story. We can include Bea Alonzo. Then isang bata.”

Ang pangatlong story ay romantic-comedy with a twist.

“Puwedeng digital or even global, but isipin mo kung paano ang atake. Siyempre, dapat merong influence of our culture, dapat may touch of Filipino. Bagong artista ang gagamitin ko. Pwedeng i-audition namin.”

Kasalukuyang napapanood si Joross sa GMA afternoon teleserye na The Missing Husband’.

KMJS itinataas ang bandila ng Pilipinas

MULI na namang itataas ng Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) ang bandera ng Pilipinas sa international scene. Nominado kasi ang KMJS sa 2023 Asia Contents Awards & Global OTT Awards para sa ‘Sugat ng Pangungulila’ story nito sa kategoryang Best Reality and Variety.

Matatandaang ito rin ang kuwentong nag-uwi ng Gold World Medal sa 2023 New York Festivals. Bongga ng KMJS dahil ito lamang ang Philippine nominee sa nasabing category. Kapwa nominado ng KMJS sa kategoryang ito ang mga programa mula sa Korea at Vietnam. Sa Oktubre iaanunsyo ang winners at gaganapin ito sa Busan, Korea.

Online, nananatili ang KMJS na most followed Philippine TV program sa Facebook. Pumalo na nga sa 30 million ang followers ng programa sa nasabing social media platform.

#Dasurv naman talaga ng KMJS ang mga award at milyun-milyon nitong followers. Tuwing Linggo, pinagbubuklod nito ang pamilyang Pilipino para sa mga kuwentong talaga namang very entertaining, inspiring, at educational.

Congratulations sa well-deserved achievements, KMJS!

AUTHOR PROFILE