Default Thumbnail

Shabu mula Arizona, timbog sa Clark!

July 9, 2023 Vic Reyes 272 views

Vic ReyesPANAHON na para bigyan ng gobyerno nasyonal ng sapat na financial, manpower at material resources ang lahat ng tinatawag na ports of entry sa buong bansa.

Kung saan-saan na kasi idinadaan ng mga ismagler ang kanilang mga kontrabando, kagaya na lang ng mga ipinagbabawal na gamot, sigarilyo at produktong agrikultura.

Kung walang mga eksperto at makabagong kagamitan ang mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ay mahihirapan silang mapahinto ang pagpasok ng kontrabando sa bansa.

Sa totoo lang, sobrang “highly-enterprising” na ang mga ismagler.

Ang dami nilang modus operandi para lang malansi ang mga tauhan ng BOC sa ibat-ibang ports of entry.

Kaya nga napakahalaga na mag-undergo ng monthly o quarterly training ang mga ahente ng BOC, lalo na ang mga sangkot sa anti-smuggling operations.

Sa Pampanga ay nahuli ng mga taga-BOC ang tangkang ismagling ng shabu sa tulong ng intensified profiling at border security measures na ipinapatupad ng Port of Clark.

Kaya, hayun, kumpiskado ng mga “matang lawin” na tauhan ni District Collector Ricardo Uy Morales II ang 626 gramong shabu na nagkakahalaga ng mahigit na P4.3 milyon.

Ang shabu ay nakapaloob sa isang shipment, na galing ng Arizona, Estados Unidos, na naglalaman ng “bread toaster”

Ang shipment ay deklaradong naglalaman ng “two slice stainless steel bread toasters.”

Pero nang idaan ang shipment sa x-ray scanning ay nakitaan ito ng “suspicious images,” kaya idinaan rin ito ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa K9 sniffing.

At nang buksan ng mga operatiba ang shipment ay tumambad sa kanila ang “four pouches of white crystalline substances weighing 630 grams” na nakatago sa bread toasters.

Pagkatapos ng chemical laboratory analysis na isinagawa ng PDEA ay napatunayan ngang shabu ang 630 gramong white crystalline substances na nakita sa shipment.

Mula noong maupo bilang district collector si Morales noong Hunyo 20, 2023 ay nagkaroon na ng apat na major drug apprehensions ang Port of Clark.

Nagkakahalaga ng P14.6 bilyon ang mga nakumpiskang illegal drugs sa apat na anti-drug operations.

Congrats po sa inyo dyan sa Port of Clark.

***

Sa Sub-Port of General Santos naman ay nakakumpiska ang mga taga-Bureau of Customs (BOC) ng 1,368 reams ng iba’t ibang sigarilyo sa Polomolok, South Cotabato noong Hulyo 4.

Ang anti-smuggling operation ay isinagawa ng sub-port in close coordination sa Customs Intelligence and Investigation Service, Enforcement and Security Service.

Tumulong rin ang PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) South Cotabato Provincial Field Unit at Polomolok Municipal Police Station.

Sinabi naman ni District Collector Guillermo Pedro A. Francia IV na ang Port of Davao at ang kanyang mga sub-port ay mananatiling naka-focus sa kampanya laban sa ismagling.

Ito ay bilang pagsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong ” R. Marcos Jr. at Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio, na parehong taga-Ilocos Norte.

Tama lang ‘yan.

****

Marami na ang mga residenteng kinakabahan sa mga lugar na kung saan ang kanilang inuming tubig ay nanggagaling sa Angat Dam sa Norzagaray, Bulacan.

Ayon sa report, bumaba na sa minimum operating level ang tubig sa nasabing dam.

Dahil dito ay baka bawasan ang water allocation sa Metropolitan Manila kapag bumaba pa ang water level sa Angat Dam.

Kapag nangyari ito ay maraming residente ang aaray dahil iba ang mawalan ng inuming tubig.

Hindi lang dagdag gastos ito sa taumbayan, lalo na sa mga walang perang pambili ng bottled water o pambayad sa mga magsu-supply ng tubig.

Ang mahirap dito ay mukhang nagsimula na nga ang tinatawag ng PAGASA na El Nino phenomenon na kung saan merong mga lugar na tatamaan ng tagtuyot.

Lalong lalala ang sitwasyon diyan sa Angat Dam dahil sa pagpasok ng El Nino.

Isip, isip tayo ng paraan para huwag magkaroon ng acute drinking water shortage sa Metro Manila at karatig pook.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, mag-text sa #09178624484/email: [email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE