Posas

Senglot na kelot, binaril ang kainuman

November 6, 2023 Edd Reyes 218 views

TATLONG ulit umanong binaril ng senglot na kelot ang kanyang kainuman nang sumiklab ang mainitan nilang pagtatalo sa gitna ng kasiyahan Linggo ng gabi sa Malabon City.

Isa lang sa tatlong putok ng baril ang tumama sa kaliwang bahagi ng dibdib ni Joseph Wee, 35, residente ng Dump Site Sitio 6, Brgy. Catmon na masuwerte pa ring walang vital organs na tinamaan kaya’t nakaligtas siya sa kamatayan matapos isailalim sa operasyon sa Tondo Medical Center.

Naaresto naman nina P/SSg Zergie Bargo, P/Cpl Jeferson Tulauan at P/Cpl Noriel Tejares ng Malabon Police Sub-Station-4 na nagkataong malapit lamang sa pinangyarihan ng pamamaril ang suspek na si alyas “Emman”, 31, kapitbahay ng biktima, matapos pigilan siyang makaalis ng mga kainuman.

Sa ulat nina P/SSg Diego Ngippol at P/SSg. Ernie Baroy, may hawak ng kaso, kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, kasama ang biktima at suspek sa masayang pag-iinuman ng magkakapitbahay sa kanilang lugar sa Dumpsite Sitio 6 nang magtalo ang dalawa na pareho ng senglot dakong alas-11:40 ng gabi.

Sa gitna ng mainitang argumento, bumunot ng baril si alyas Emman at pinaputukan ng tatlong sunod ang biktima na duguang nahandusay nang tamaan sa kaliwang dibdib.

Sa panayam kay Sgt. Ngippol, posible aniyang personal na away ang pinagmulan ng mainitang pagtatalo dahil ayaw magsalita ng suspek at maging ng kaanak ng biktima kung ano ang pinagmulan ng argumento.

Nabawi naman ng pulisya sa suspek ang ginamit na kalibre .38 baril na may tatlo pang bala at tatlong basyo sa chamber habang apat na bala ng kalibre .38 ang nakuha ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa pinangyarihan ng pamamaril.

AUTHOR PROFILE