Tolentino1 Pinangunahan ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino ang isang pulong sa bulwagan ng bayan na tinatawag na ‘Talakayang WPS’ sa Sta. Cruz, Zambales. Nakipagpulong at nagbigay din siya ng tulong sa grupo ng mga mangingisda sa Masinloc at Subic, Zambales noong Lunes.

Sen. Tol: Displaced fishersfolk bigyan ng alternatibong kabuhayan

June 19, 2024 People's Tonight 81 views

TolentinoMASINLOC, Zambales — Nanawagan si Senate Majority Leader Senator Francis ‘Tol’ Tolentino sa mga ahensya ng pambansang pamahalaan, partikular sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na makipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan para bigyan ng alternatibong kabuhayan ang grupo ng mangingisdang apektado ng patuloy na sigalot sa West Philippine Sea (WPS).

Noong Lunes, binisita ni Tolentino ang tatlong coastal municipalities – Sta. Cruz, Masinloc, at Subic sa lalawigang ito at namahagi ng tulong sa mahigit 500 mangingisda.

Pinangunahan din niya ang pulong sa bulwagan ng bayan na tinaguriang, ‘Talakayang WPS,’ kasama ang mga pinuno ng lokal na pamahalaan, mga kinatawan mula sa BFAR at Philippine Coast Guard (PCG), gayundin ang mga pinuno at miyembro ng iba’t ibang kooperatiba at asosasyon ng mga mangingisda.

“We will explore what alternative means of livelihood can be provided, and I promise to press our government agencies to assist you,” paniniyak ng senador sa mga mangingisda.

Sa joint interview, kasama si Sen. Tol, pinabulaanan ni Mayor Arsenia Lim ang mga alegasyong pinipigilan ng pamahalaang munisipyo ang mga lokal na mangingisda na maglayag sa Bajo de Masinloc, kasunod ng iniulat noong Hunyo 15 na pagpapatupad ng bagong regulasyon ng China na nag-uutos sa coast guard nito na ikulong nang 60 araw ang mga tinatawag nilang “trespassers” sa inaangking mga teritoryo sa WPS.

Umapela alkalde sa mga mangingisda na mag-ingat sa pamamagitan ng pagrehistro ng mga pangalan sa pamahalaang munisipyo, upang makilala at masubaybayan ng mga awtoridad ang kanilang lokasyon nang sa gayo’y matulungan sila sa panahon ng emergency.

Pinaalalahanan din niya ang mga mangingisda na iwasan ang mga lugar sa bahura kung saan posibleng maharap sila sa panganib.

Sa parehong panayam, tiniyak ni PCG commander Severino Destura Jr. na nakahanda ang mga tauhan ng coast guard na tulungan at protektahan ang mga lokal na mangingisda.

“Walang nagbabawal sa atin na mangisda sa Bajo de Masinloc kaya ang mga barko ng PCG ay patuloy na nagbabantay. Ang advise lang po namin ay iwasan lang na lumapit at mangisda kung saan maaaring mag-provoke sa mga CCG vessels, lalo na kung walang presence ng PCG sa area. Poproteksyunan po namin kayo sa abot ng aming makakaya. Bago kayo magpalaot, ipaalam n’yo po sa amin, saan kayo pupunta, o anong bangka gamit n’yo, para ma-monitor namin ang activity n’yo. Sa LGU at barangay, tulungan n’yo po kami na i-monitor ang mga mangingisda. Napakadelikado po ‘pag unregistered ang fishermen,” paliwanag ni Destura.

Kumpiyansa naman si Sen. Tolentino na ang panukalang Philippine Maritime Zones Act (Senate Bill No. 2492), na pangunahin niyang iniakda at itinataguyod, ay maipapasa at maisasabatas kasunod ng pagpapatuloy ng sesyon ng Senado ngayong Hulyo.

Si Tolentino ang chairperson ng Senate Special Committee on Maritime and Admiralty Zones.

AUTHOR PROFILE