Bong Kasama ang mga opisyal ng Agoncillo, Batangas, pinangunahan ni Sen. Bong Go ang inagurasyon ng isang Super Health Center sa nasabing bayan.

Bong Go kampeon ng pangangalaga sa komunidad

June 19, 2024 People's Tonight 165 views

SHC binuksan, displaced wokers inayudahan

IDINEKLARANG anak ng Agoncillo, Batangas at may dugong Batangueno mula sa angkan ng Tesoro, personal na nakiisa si Senator Christopher “Bong” Go sa inagurasyon ng isang Super Health Center (SHC) sa bayan noong Lunes, bahagi ng kanyang adbokasiya na pangalagaan ang pangkalusugan sa malalayong komunidad.

Ang Super Health Centers, ayon kay Go, ay napakahalaga sa maagang pagtuklas ng mga sakit at nakapagpapagaan sa pagsisikip ng mga ospital. Ang mga SHC ang nagbibigay ng pangunahing pangangalaga at mga medikal na konsultasyon sa loob ng mga komunidad.

“Patuloy po akong tutulong sa pagpaparami ng Super Health Centers sa bansa sa abot ng aking makakaya. Sa mga itinayo na SHCs, nakita namin kung gaano kalaki ang naitutulong nito sa komunidad lalo na sa rural areas. ‘Yun po ang layunin ng mga Super Health Centers, ang mailapit sa mamamayan ang serbisyong medikal ng gobyerno,” ani Go.

Naging posible ang pagtatayo ng mahigit 700 SHCs sa buong bansa sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga mambabatas, sa pangunguna ni Go, ng Department of Health (DOH)—sa pangunguna ni Secretary Teodoro “Ted” Herbosa—at local government units.

Sa Batangas lamang, 18 Super Health Centers ang pinondohan upang matiyak na ang pangangalagang pangkalusugan sa mga komunidad dito ay abot-kamay ng lahat.

Pinasalamatan ni Go ang mga local leaders, kabilang sina Congresswoman Maitet Collantes, Governor Dodo Mandanas, Vice Governor Mark Leviste, Agoncillo Mayor Cinderella “Cindy” Valenton-Reyes, Vice Mayor Atty. Daniel “Dan” Reyes, at San Nicolas Mayor Lester De Sagun, sa kanilang pagsisikap na mailapit ang serbisyo ng pamahalaan sa komunidad.

Dahil naman sa kanyang mga kontribusyon, si Sen. Go ay ipinakilala at idineklara ng Agoncillo bilang adopted son nito sa pamamagitan ng Resolution No. 082-06-2024, na naaprubahan sa ika-22 Sanggunian 100th Regular Session noong Hunyo 10.

Sa nasabing resolusyon, pinuri si Go para sa kanyang mga nagawang batas at hindi natitinag na dedikasyon sa serbisyo publiko.

Higit sa pangangalagang pangkalusugan, tinulungan ni Go ang daan-daang nawalan ng trabaho sa Agoncillo sa kanyang pagbisita, nagpapakita ng kanyang patuloy na pangako sa pagsuporta sa mga komunidad lalo sa panahon ng krisis.

Namahagi si Go at ang kanyang Malasakit Team ng mga food packs, masks, shirts, vitamins, basketballs, at volleyballs sa 500 displaced workers. Nakatanggap din ang mga piling indibidwal ng bisikleta, sapatos, mobile phone, at relo.

Ang mga kwalipikadong indibidwal ay inalok ng pansamantalang trabaho sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers program sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ni Go sa Department of Labor and Employment.

Hinimok din niya ang mga residenteng nangangailangan ng tulong medikal na lapitan ang alinman sa mga Malasakit Center sa bansa.

“Mayroon po tayong 165 Malasakit Centers na handang tumulong sa inyo. Ang Malasakit Center ay para sa inyong lahat, para makatulong sa hospital billing ninyo. Lapitan niyo lang po ang Malasakit Center. Para po ‘yan sa inyo, para po ‘yan sa poor and indigent patients, para po ‘yan sa Pilipino,” sabi ng senador.

Sa Batangas, operational ang Malasakit Centers sa Batangas Provincial Hospital sa Lemery at Batangas Medical Center sa Batangas City.

AUTHOR PROFILE