SEN. RISA: QUIBOLOY, WAG PA-VICTIM!
“WAG pong pa-victim.”
Ito ang mariing ipinahayag ni Senator Risa Hontiveros kung saan ay sinabi rin niya na kahit ano pa ang paawa ni Kingdom of Jesus Christ (KoJC) leader at founder Pastor Apollo Quiboloy ay hindi pa rin magpapaawat ang komite sa subpoena na ipadadala para sa pastor at sa mga tauhan nito na diumano’y kasama sa KOJC punishers o taga pag-parusa.
Ang subpoena na pirmado na ng pangulo ng Senado na si Sen. Juan Miguel Zubiri ay pormal na ipadadala ni komite ni Hontiveros sa ilalim na kanyang Resolution no. 884 ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality.
Ayon kay Hontiveros, hindi aniya magbabago ang desisyon ng kanyang komite na pormal na bigyan ng subpoena si Quiboloy.
Ito ay kahit pa binanggit ng pastor na sa kasalukuyan ay marami aniya ang gusto pumatay sa kanya kung saan ay idinawit niya ang US government sa pamamagitan ng Central Intelligence Agency (CIA) gayundi ng Federal Bureau of Investigation (FBI).
“Ang hinihingi lang sa inyo ay humarap sa mga legal na proseso, kasama ang proseso ng Senate investigation.” giit ni Hontiveros.
Pinaalalahanan din niya si Quiboloy na tigilan na ang mga pagbabanta at mga istilong pananakot nito sapagkat hindi aniya siya hihinto at hindi rin aniya siya magpapatinag sa mga ganitong uri ng pananakot.
“Wag niyo pong dalhin sa lenggwahe ng patayan, kahit yan ang nakasanayan niyo,” ani Hontiveros.
Iginiit ni Hontiveros na dapat bigyan ng respeto at puwang ni Quiboloy ang pag-attend sa hearing ng nasabing komite dahil ito ay seryoso at magbabadya ng pagbibigay ng warrant of arrest sakaling patuloy niyang balewalain ang subpoena.
Ani Hontieros, posible rin ma-contempt si Quiboloy sa gagawing pag-snub sa kanilang pagdinig.
“Our next hearing is on March 5 and if Mr. Quiboloy does not show up, I will cite him in contempt and have him arrested,” pagpapaalala ni Hontiveros.
Nauna rito, sa isang video press conference, ipinahayag ni Quiboloy ang diumano’y ilan sa mga kawani ng US government tulad ng CIA at FBI na nasa Pilipinas umano at nakamonitor na rin aniya sa kanya at anumang oras ay dudukutin siya.
Ipinagtapat ni Quiboloy na siya at ang kanyang mga abogado ay naghihintay na magkaroon ng extradition ngunit wala aniya ginawa ang kabilang kampo kundi mag pa-postpone at hindi extradition diumano ang gustong gawin ng US government sa kanya kundi rendition.
Nuong December 2023, ang bansang United States ay nagtakda na ng pagdinig sa kaso ni Quiboloy sa kanyang kung saan ang trial date ay sa darating na November 5, 2024 kaugnay ng iba’t ibang kriminal na kasong kinakaharap nito.
“Forcibly abduction at if it’s possible, puwede nila akong i-assassinate,” paliwanag ni Quiboloy sa kanya audio message.
Inihayag din ng KOJC leader ang akusasyon na pinatungan na aniya siya ng US government sa kanyang ulo ng halagang $2 million o P100 million bounty para sa kanyang pag-aresto kung saan ay tataniman pa siya umano ng mga pekeng ebidensya.
“Ang balita namin kung ito ay totoo, sa reliable source, nagsasabi na plaplantingan daw kami ng bomba, guns, and drugs. Iyan po ay aming babantayan,” pahayag pa ni Quiboloy .
Si Quiboloy ay kasalukuyang nahaharap sa mga kaso tulad ng sex trafficking, fraud, coercion bulk cash smuggling and human trafficking at promotional money laundering at iba pang kriminal na kaso sa Amerika.
Matatandaan na dalawang beses na inimbitahan ng komite ni Hontiveros si Quiboloy ngunit hindi ito pinaunlakan dahil umano sa walang respeto ang komite ni Hontiveros sa kanyang constitutional right bilang Pilipino at tinawag din ng pastor na “mere kangaroo court” ang nasabing pagdinig.
Si Quiboloy at ang abogado nito si Atty. Ferdinand Topacio ay nagsabing dapat lamang siguro dalhin na lamang ni Hontiveros at ng kanyang komite ang mga akusasyon nito sa tamang korte upang makasagot sila ng tama at ng naayon sa batas at para maipagtanggol ng Pastor ang kanyang sarili sa tamang venue.
Mahinahon naman si Hontiveros na nagsabing ang kanyang pagdinig ay upang bigyan ng boses si Quiboloy at upang marinig ng lahat ang kanyang pagtatanggol sa sariling kapakanan sa gitna ng mga ipinupukol sa kanya ng mga dati niyang miyembro sa KOJC. At sa panig naman aniya ng Senado, ang pagdinig na ito ay in aid of legislation na magiging gabay nila sa paggawa ng tamang batas para sa mga kaso tulad ng human trafficking na talamak na nangyayari sa maraming parte ng mundo.