Default Thumbnail

Sen. Raffy inalmahan pag-angkat ng modern jeeps mula China

January 8, 2024 Marlon Purification 128 views

Marlon PurificationINALMAHAN ni Senator Raffy Tulfo ang pag-aangkat ng modern units ng jeepney mula sa China na ipampapalit sa mga lumang pampasaherong jeep sa bansa bilang parte ng Jeepney Modernization Program.

Ayon kay Tulfo, nangangamoy kurapsyon ang proyektong ito lalo pa at kaya naman ng isang local manufacturing industry ng jeepney ang gumawa ng isang kalidad na modern jeep sa mas mababang halaga.

Napag-alaman aniya nito na ang imported jeepney mula sa Tsina ay nagkakahalaga ng ₱2.6 hanggang ₱2.9 million bawat unit.

Higit umano itong mas mahal sa isang brand new unit na kaya namang gawin ng local company gaya ng Sarao at Francisco Motors sa halagang ₱900,000 hanggang ₱985,000 lamang bawat isa.

Sinabi ni Tulfo na aabot sa tinatayang ₱1.7 million per unit ang matitipid ng gobyerno kung pipiliin ang local manufacturer kaysa sa isang Chinese company.

Bukod dito, kung nasa ₱900,000 lang ang halaga ng bibilhing jeepney, mas kakayanin ng gobyerno ang subsidies para maipatupad ang modernization nang walang gastos sa jeepney drivers at operators.

Dagdag pa nito, kapag sa bansa mismo ginawa ang modern jeepney, ito ay makakalikha ng libu-libong trabaho para sa mga manggagawang Pilipino.

Makasisiguro rin aniya ang taumbayan na mapapanatili ang estilo, porma, at disenyo ng jeep na simbolo na ng kultura ng bansa kapag ito ay gawang Pinoy.

Nabanggit din ng senador na mahalagang isaalang-alang sa modernization program ang kapakanan ng mga Pilipino, lalo pa ng mga pobreng jeepney driver.

“Ang karagatan natin sa West Philippine Sea ay sinasakop na nga ng China, pati ba naman mga kalsada natin ay papayag tayong sasakupin na rin nila?!”, giiit pa ni Tulfo.