
Sen. Bong pabor sa pag-privatize ng MMFF… walong entries imbes na sampu
PUKPUKAN man ang ginagawang kampanya bilang isa sa mga kandidato ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas, nagawa pa rin ni Sen. Bong Revilla na humarap at makipagbalitaan sa showbiz press nitong Sabado, March 1.
Hindi nga nakakalimutan ng aktor-politiko ang industriyang pinagmulan kaya naman game niyang sinagot isa-isa ang ilang issues na nakakaapekto rito ngayon.
Tulad na lamang ng patuloy na paghina at pagkalugi ng producers sa mga pelikulang ipinapalabas sa mga sinehan.
Ayon kay Sen. Bong, hindi limitado ang problemang ito sa Pilipinas. Isa nga raw itong global phenomenon na matagal-tagal nang hinahanapan ng kaukulang solusyon.
Paliwanag pa niya, “Kailangan talaga maganda ang pelikula para humatak ng manonood at hindi aantayin na lang sa streaming o online.”
Dapat din daw mag-adjust ang industriya sa nakababahalang sitwasyon at pag-aralan kung paano mapapanatili ang viability ng mga pelikula. Ibinigay niyang halimbawa ang pagbibigay ng incentives sa production companies, lalo na ’yung maliliit na industry players.
Sa tanong kung dapat na bang ipahawak ang Metro Manila Film Festival (MMFF) sa mga taga-industriya, sinabi ng aktor-senador na bukas siya na pag-aralan ang ideyang ito.
Para sa kanya, mas makabubuti rin umano na ibalik sa walo lang ang official entries imbes na sampu.
Dagdag niya, “Pwede namang i-privatize na ‘yang MMFF para ang industriya na ang magdaos nito. In fact, sa tingin ko, wala namang hadlang na gumawa ng film festival ang industriya. Pero ‘pag ganyan, no government funds can be used for the purpose.”
Pinag-aaralan din daw niya kung maaaring hikayatin ang Film Development Council of the Philippines (FDCP) na magtayo ng sarili nitong film festival bilang alternatibo sa MMFF.
Dahil nga busy siya ngayon sa muling pagtakbo, natanong si Sen. Bong kung may plano ba siyang bumalik sa pag-arte pagkatapos ng eleksyon.
Sagot niya, public service ang priority niya sa ngayon, pero kung magkakaroon ng ekstrang oras at pagkakataon, gusto niyang tapusin ang naudlot niyang pelikula na “Alyas Pogi 4” at ipagpatuloy ang Season 4 ng Imus Productions at GMA series niyang “Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis.”
“Let’s cross the bridge when we get there,” sey ni Sen. Bong.
Sa ngayon, sobra siyang nagpapasalamat sa suporta ng publiko sa kanyang kampanya. Ramdam na ramdam daw niya ang pagmamahal ng mga tao sa pag-iikot nila.
Para kay Sen. Bong, malaking bagay na naa-appreciate ng mga kababayan niya ang mga batas na naipasa niya, tulad ng “Kabalikat sa Pagtuturo Act” (RA 11997), “Expanded Centenarians Act” (RA 11982), “Free College Entrance Examination Act” (RA 12006), “No Permit, No Exam Policy Prohibition Act” (RA 11984) at ang “Permanent Validity of the Certificates of Live Birth, Death and Marriage Act” (RA 11909).
Kaya naman pangako niya, ipagpapatuloy niya ang kanyang mga nasimulan sakaling palarin sa paparating na halalan.