Default Thumbnail

Sekretarya buking sa ninenok na P600K

August 25, 2023 Edd Reyes 333 views

BISTADO ang pagnanakaw ng isang 29-anyos na sekretarya ng mahigit P.6 milyong sa malaking kompanya ng sabon sa Valenzuela City.

Mismong si Shiela Galido pa ang nagpasama sa kanyang kapwa stay-in sa trabaho na si Lovely Dalut, 29, sa barangay para isumbong ang natuklasang panloloob.

Ayon kay Galido, nalaman lang niya ang pagnanakaw nang magising siya dakong alas-3:30 ng madaling araw ng Huwebes dahil sa malakas na kaluskos sa kompanya sa Pabaya St., Brgy. Mapulang Lupa.

Nang magresponde ang mga opisyal ng barangay, nakita nila ang opisina na magulong-magulo at nawawala na ang P609,000 na pinagbentahan.

Sa ulat na ipinarating ni Valenzuela police chief P/Col Salvador Destura kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, natuklasan ni P/Lt, Ronald Bautista, hepe ng Detective Management Unit (DMU), sa ginawang pagrerebisa sa nakakabit na CCTV na walang ibang tao na pumasok sa loob ng tanggapan.

Nasuri rin ng mga imbestigador na nagmula sa loob at hindi sa labas ng tanggapan ang pagkakatungkab kaya inusisa nila si Galido at tinanong kung nasaan siya nang maganap ang sinasabing nakawan.

Dito na napansin ni Lt. Bautista ang pagkabalisa ng suspek at pilit na inaalis ang tingin sa nagtatanong na pulis kaya’t inimbitahan nila ang sekretarya sa Valenzuela police station.

Pagsapit sa tanggapan ng DMU, inamin na sa pulisya ni Galido ang ginawang pagnanakaw at itinuro kung saan niya itinago ang tinangay na salapi.

Nabawi ng pulisya ang lahat ng nawawalang salapi sa stock room ng kompanya.

AUTHOR PROFILE