Acorda ACORDA

Seguridad sa eleksyon tiniyak ng PNP

October 27, 2023 Zaida I. Delos Reyes 433 views

TINIYAK ng Philippine National Police ang seguridad ng idaraos na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Lunes.

Ito ang inihayag ni PNP chief Police General Benjamin Acorda Jr. sa press briefing sa Camp Crame, Quezon City noong Biyernes.

“We want to assure our citizens that the PNP is fully in command of the situation and all systems go for the BSKE,” pahayag ni Acorda.

Nauna nang itinaas sa full alert ang pwersa ng PNP noong Sabado at aabot sa 187,600 na pulis ang ide-deploy para sa election-related duties.

Sa sandaling magkaroon ng iba pang ganapan, tiniyak ni Acorda na handa ang kapulisan na tumugon.

Pinaigting na rin ang mga checkpoint operations at border controls sa iba’t-ibang panig ng bansa para maiwasan ang karahasan.

“In areas of concern, particularly those under Comelec control, we have allocated additional human and logistical resources to ensure a seamless election process,” pahayag ni Acorda.

Sa ngayon, dalawang lugar ang nasa ilalim ng Comelec control– ang Libon, Albay at Negros Oriental.

“Our message to the public is clear: Election Day will remain under our control, and we will not tolerate any disruptions or threats to the peaceful exercise of your right to vote,” paliwanag ni Acorda.

Umaabot na sa 135 na ang naitalang karahasan sa bansa; 26 sa mga ito ang election-related incidents habang walang kinalaman sa BSKE ang 85 na karahasan.

Inaalam naman kung konektado sa nalalapit na eleksyon ang 24 insidente ng karahasan.

Aabot sa 1,880 katao ang naaresto at 1,430 na armas ang nakumpiska kaugnay ng ikinasang election gun ban.

Sinabi ng PNP chief na mayroong 5,000 pulis ang naka-standby at maaring gamiting poll workers sa sandaling magbitaw ang ilang mga guro bilang mga electoral board members para sa BSKE.