OCD

Search and rescue sa landslide victims patuloy

February 8, 2024 Zaida I. Delos Reyes 171 views

PATULOY ang search and rescue operation ng mga awtoridad sa mga natabunan ng landslide sa Brgy. Masara, Maco, Davao de Oro noong Martes.

Batay sa Office of Civil Defense (OCD) sa Davao Region, umakyat ng sa pito ang namatay, 31 ang sugatan at 49 ang nanatiling nawawala.

Sinabi ni OCD Davao Region director Ednar Dayanghirang na bukod sa 30 pasahero ng dalawang bus ng APEX Mining Company, posibleng mas marami pang residente ang natabunan ng gumuhong lupa mula sa bundok.

Nahihirapan din aniya ang mga rescuers sa kanilang operasyon dahil napakalawak ng landslide.

Bago naganap ang landslide, nakapagtala na rin ng 21 patay dahil sa pagbaha at mga naunang landslides sa Davao de Oro at Davao del Norte.

Noong Huwebes ng umaga, umabot na sa 1,193,443 katao ang naapektuhan ng Northeast monsoon o amihan at buntot ng low pressure area (LPA) sa Northern Mindanao, Davao, Soccsksargen, Caraga at Bangsamoro.

Sa nasabing bilang, 68,024 katao ang pansamantalang nanunuluyan sa 275 evacuation centers.

Samantala, sinabi namang ng OCD XI na unti-unti nang bumabalik sa kanilang tirahan ang mga evacuees mula sa Maco.

Umabot na din sa P123,547,000 ang pinsala sa imprastraktura at 1,308 bahay ang nasira.

Inilagay din sa State of Calamity ang buong probinsya ng Agusan del Sur at bayan ng Lingig sa Surigao del Sur.