
Sea salt production sa Batangas malapit na
UMABOT lamang sa 7% ang lokal na produksyon ng asin sa Batangas noong 2021 at inangkat ang 93% ng ng suplay ng asin.
Ito ang ipinahayag ni Hermie Ramirez, Regional Focal Person ng Development of Salt Industry Project (DSIP).
Ang matinding pagbagsak ng produksyon ng asin ang nagtulak sa pamahalaan para ilunsad ang DSIP sa iba’t ibang rehiyon sa bansa noong 2022.
Sa taong ito, kabilang ang CALABARZON sa mga magsasagawa ng technology demonstration ng solar sea salt production gamit ang “high density polyethylene (HDPE) platform,” isang teknolohiya na makakagawa ng asin sa loob lamang ng tatlo hanggang apat na araw.
Napiling benepisyaryo ng proyekto ang ang Bgy. Imelda, San Juan, Batangas kung saan may lupain na pagmamay-ari ang pamahalaang panlalawigan at akma para sa “sun-drying method” na paggawa ng asin.
Nagpaabot ng pasasalamat si Danilo Babaira, Vice Chairperson ng Barangay Fisheries and Aquatic Resources Management Council (BFARMC) ng Bgy. Imelda, sa pagbubukas ng proyektong ito na inaasahang magkakaloob ng ikabubuhay sa mga naninirahan sa nasabing lugar, partikular ang mga mangingisda na patuloy na humihina ang kinikita.
Gayundin, nagpahayag ng todong pagsuporta si San Juan Municipal Agriculturist Felix Leopango sa proyekto.
Ayon kay Provincial Agriculturist Dr. Rodrigo M. Bautista Jr., patunay ang proyektong nabanggit nang patuloy at mas marami pang proyekto na nakatuon sa agrikultura.