
Sanggol na-confine, ‘tinurukan’, tigok
NAGSASAGAWA ng imbestigasyon ang pulisya kaugnay sa pagkamatay ng isang limang buwang sanggol sa isang ospital sa Quezon City, matapos umanong turukan ng hindi malamang gamot.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, bandang alas-5 ng hapon ng Oktubre 15 nang maganap ang insidente sa ward room ng isang ospital sa Quezon City.
Batay sa imbestigasyon ni PSSg. Camilo Ross J. Cunanan, nitong Oktubre 13 bandang alas-6 ng umaga ay dinala ang sanggol ng kanyang ina sa nasabing ospital para sa medical checkup dahil sa matinding ubo.
Pagkatapos ng ilang laboratory examinations, unang na-diagnose ang sanggol ng “bilateral pneumonia with air trapping” at kalaunan ay na-admit sa nasabing ospital para magamot.
Habang naka-confine, bumuti na ang kalagayan ng sanggol at nakatakdang ilabas sa nasabing ospital bandang alas-9 ng umaga nitong Lunes, Oktubre 16, ayon sa kanyang attending pediatrician.
Habang natutulog ang sanggol sa silid ng ospital, isang duty nurse ang umano’y nag-inject ng hindi kilalang gamot sa pamamagitan ng kanyang intravenous line/route pero nagising ang bata at biglang umiyak.
Makalipas ang ilang oras ay napansin ng ina na nag-iba ang kulay sa leeg at mukha ng kaniyang anak saka biglang nawalan ng malay.
Agad na humingi ng tulong ang ina ng biktima sa istasyon ng mga nurse na agad namang pilit na ni-revive ang musmos pero binawian din ito ng buhay.
Sa certificate of death na inilabas ng ospital, sinasabing ang eksaktong dahilan ng pagkamatay ng biktima ay dahil sa “asphyxia secondary to aspiration (milk).”
Nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang pulisya kung may pananagutan ang nasabing ospital sa pagkamatay ng sanggol.