Default Thumbnail

ESTUDYANTE DEDO SA ‘HAZING’

October 17, 2023 Melnie Ragasa-limena 348 views

4 suspek nasa kustodiya na ng QCPD, iba pang sangkot pinasusuko

PATAY ang isang criminology student ng Philippine College of Criminology (PCCR) matapos umanong sumailalim sa hazing ng Tau Gamma Phi Fraternity sa isang abandonadong gusali sa Quezon City Lunes ng gabi.

Idineklarang dead on arrival sa Chinese General Hospital ang biktimang si Ahldryn Lery Chua Bravante, 25-anyos na 4th year criminology student at residente ng Pinabayaan Esguerra Compound sa Barangay Pasong Buaya, Imus, Cavite.

Boluntaryo umanong sumuko at nasa kustodiya na ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang mga suspek at initiator na sina Justine Cantillo Artates, 20-anyos na 3rd year criminology student ng PCCR; at Kyle Michael Cordeta, 21-anyos; Lexe Angelo Diala Manarpies, 20-anyos; at Mark Leo Domecillo Andales, 20-anyos, na pawang mga estudyante rin ng PCCR.

Pinasusuko naman ng QCPD ang iba pang sangkot sa hazing incident.

Ayon kay QCPD spokesperson Lt. Col. May Genio, bukod sa apat na nasa kustodiya na ng QCPD-CIDU ay mayroon pa silang natukoy na 20 persons of interest sa naturang insidente.

Mas makabubuting sumuko na ang mga ito para mapakinggan ang kanilang mga panig, ayon sa pulisya.

Batay sa imbestigasyon nina PMSg. Alvin G. Quisumbing at PCpl. Nestor V. Ariz Jr., nangyari ang insidente dakong alas-2 ng hapon nitong Lunes sa abandonadong gusali ng isang condominium sa Calamba Street, Bgy. Sto Domingo, Quezon City.

Alas-7 ng gabi nang makatanggap ng tawag ang Blumentritt Police Community Precinct ng Manila Police District (MPD) mula sa Chinese General Hospital na isang lalaki na puno ng pasa at walang malay ang dinala ng dalawang lalaki.

Agad na nagtungo sa nasabing ospital sina PSSg. Paolo De Guzman, PCpl. Benedict Gutierrez at Pat. Mac Rupert Delatado ng MPD.

Sa salaysay nina Artates at Cordeta, inamin ng mga ito na miyembro sila ng Tau Gamma Phi Fraternity PCCR Chapter at sumasailalim sa initiation rites si Bravante.

Napansin na lamang nilang nahirapan sa paghinga si Bravante at nawalan ng malay kaya dinala na nila sa nasabing ospital.

Bandang 6:40 ng gabi nang ideklarang dead on arrival ni Dr. Pamela Tangcueco ang biktima, habang inaresto sina Artatez at Cordeta. Boluntaryo namang sumuko sina Manarpies at Andales.

Lumilitaw sa cursory examination na nagtamo ng hematoma sa magkabilang hita ang biktima, bukod pa sa mga paso ng sigarilyo sa dibdib at kamay.

Lumalabas naman sa inisyal na imbestigasyon na tinapon sa ilog sa Nagtahan ang paddle na ginamit sa initiation rites ng Tau Gamma Phi Fraternity.

Tinungo naman ng Scene of the Crime Operation Team ng QCPD Forensic Unit sa pangunguna ni PSMS Federico Manzano ang lugar ng initiation rites at tanging anim na bote ng tubig lang ang nakita.

Patuloy na rin ngayong nakikipag-ugnayan ang QCPD maging sa PCCR hinggil sa kaso at nagsasagawa ng follow-up investigation.

Sasampahan ang apat na sumukong suspek ng paglabag sa Republic Act 8049 o ang Anti-Hazing Law.