Default Thumbnail

Sana mapagtibay na rin sa Senado ang early voting bill para sa senior citizens, PWDs na inaprubahan sa Lower House

August 26, 2021 Marlon Purification 292 views

Marlon PurificationMAGANDANG development ang ginawang pag-apruba sa ikatlo at pinal na pagdinig ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa House Bill 9562 na nagtatakda sa ‘early voting’ ng mga senior citizen at ‘persons with disability (PWDs)’.

Sinabi ni Senior Citizen Party-list Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes na malaking bagay ang pagkaka-apruba ng batas para sa mga seniors at PWDs na hindi na kailangang makipagsiksikan sa maraming tao sa araw ng halalan.

“On behalf of the millions of senior citizens, as well as the millions more PWD citizens, I thank all my colleagues in the House of Representatives for approving on third and final reading House Bill 9562 allowing early voting for seniors and PWDs in national and local elections,” ayon kay Ordanes.

Sa ilalim ng Section 2 ng HB 9562, papayagan nang makaboto ang mga kuwalipikadong senior citizens at PWDs sa mga itinalagang voting precincts ng Commission on Elections (Comelec) pitong araw bago ang aktuwal na halalan.

Gayunman, nag-aalala si Ordanes na maaaring kapusin sa ilalim ng ‘legislative calendar’ at ‘timetable’ ng Comelec ang naturang panukalang batas dahil malaking sagabal din ang mahigpit na restriksyon sa quarantine protocol dulot ng COVID-19. Ngunit hindi pa rin sila nawawalan ng pag-asa sa Senior Citizen Partylist at nananalangin na ganap na magiging batas ang HB 9562 bago sumapit ang Mayo 2022.

“I will do my best to convince the senators to support this bill in their chamber,” pahayag pa ni Ordanes na siya ring Chairman ng Committee on Senior Citizens.

“Perhaps Malacanang can deem it necessary to make HB 9562 a certified urgent bill. I can only hope and pray. I still believe in miracles,” dagdag pa ng mambabatas.

Sakaling hindi umabot sa oras, sinabi ni Ordanes na may umiiral naman na mga panuntunan ang Comelec para sa kagalingan ng mga seniors at PWDs. Dito umaapela siya sa Comelec na gawing mas madali para sa seniors at PWDs ang darating na halalan sa Mayo 2022 base sa mga umiiral na panuntunan ng pamahalaan.

Sa ganang akin, napakaganda ng panukalang batas na ito na dapat maaprubahan agad sa Mataas na Kapulungan at mapirmahan ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Paulit-ulit na lang kasi tayong nakakikita tuwing araw ng eleksiyon ng mga PWD’s at senior citizens na nahihirapang pumila at umakyat ng hagdan sa mga gusali ng paaralan para lamang makaboto.

Dagdag hirap, pasakit din sa mga PWDs at senior citizens ang paulit-ulit na problema ng nawawalang listahan, presinto ng botohan at ang mismong klima ng panahon dahil ang araw ng Mayo ay panahon ng tag-init.

Kung magkakaroon ng hiwalay na takdang araw para sa kanila, malaking bagay ito para sa kanilang kalusugan, kaligtasan, gayundin sa mga mahal nila sa buhay na palaging nakaalalay sa kanila tuwing araw ng halalan.

Bilang isang senior citizen na katulad ni Senate President Tito Sotto, gayundin si Minority Leader Franklin Drilon at iba pang mga ‘jurasic senators,’ nasisiguro kong makatatanggap ng positibong tugon ang panukala ni Ordanes.