Isko

Sam hinamon si Isko: ‘Wag kang umurong sa debate

April 15, 2025 Vinia Vivar 103 views

Game na game si Manila mayoral candidate Sam Verzosa na humarap at makipagdebate sa kalabang si Isko Moreno. In fact, ito rin ang kanyang hiling para magkaalaman na ng kani-kanilang plataporma.

“Kung magkakaroon ho man if ever ng debate, may mag-o-organize na mga grupo ay handa po tayong lumaban at sumagot,” aniya sa Pandesal Forum na ginanap sa Kamuning Bakery ni Wilson Lee Flores nitong Lunes.

“Sabi ko nga po, kailangang magkaroon ng debate, kailangang magkaroon ng talakayan para malaman ng tao (kung) ano ba talaga ‘yung plano ng bawat isa. Sobrang importante ‘yan,” dagdag niya.

Pahaging pa niya, “Kasi, alam mo, maraming magagaling magsalita, matatamis ang dila, sasabihin kung ano lang ‘yung gusto n’yong marinig pero nu’ng nabigyan sila ng pagkakataon, hindi naman nagawa. Kaya napaka-importanteng marinig at magkaroon ng debate para malaman ng mga tao (kung) sino ba talaga ang nagsasabi ng totoo, ng tapat at naaayon sa kanyang puso at may magandang plano sa mga Manilenyo.”

Hinding-hindi raw siya aatras sa debate kay Isko at hinamon pa niya ang katunggaling aktor/politiko.

“Kung magkakaroon po sana tayo ng pagkakataon, sana po, huwag ho kayong umatras sa isang matalinong pagdedebate. Hindi ho ito personalan, ito po’y para ho sa kinabukasan ng mga Manilenyo,” mensahe pa ni SV kay Isko.

“Anong plano mo? Anong kaya mong gawin? Anong kaibahan mo ngayon du’n sa dati at masagot na po lahat ng mga issues sa Maynila,” tanong pa niya kay Isko.

Paghamon pa niya ulit kay Yorme, “Sana, huwag kang umurong sa isang debate at harapin natin ‘yung mga Manilenyo. Hindi po personalan, pero para malaman ng mga Manilenyo (kung) sino po ‘yung karapat-dapat at may kakayanan talagang magdala ng pag-asa at pagbabago sa Maynila.”

AUTHOR PROFILE