Default Thumbnail

Salceda: Tunay na mabilis kumilos si Speaker Romualdez

June 15, 2023 People's Tonight 395 views

PINURI ni House Ways and Means chairman, Rep. Joey Sarte Salceda (Albay, 2nd district) nitong Miyerkules si Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa “ginawa niyang pagbibigay prayuridad sa mga Albayanon sa oras ng kanilang lubhang pangangailangan, kaugnay sa kasalukuyang pag-aalburuto ng bulkang Mayon.”

“Tunay siyang nakaalerto at kumikilos kaya kaagad niyang naitalaga ang P33 milyong ayudang ‘food packs’ para sa sa mga taga-Albay sa sandaling nangailangan sila ng tulong. Kumilos siya agad nang itaas ng Philvolcs sa ‘Level 3’ ang ‘Alert Level’ at kaagad siyang may tugon nang kaming mga kinatawan ng Albay ay magtanong,” puna ng mambabatas.

Umabot na sa 9,571 pamilyang kinubuo ng mga 37,231 ka-tao ang mga bakwit o pinalipat mula sa 6-kilometrong ‘permanent danger zone’ sa Albay. Sa naturang bilang, 4,417 pamilya o 15,502 ka-tao ang nasa mga ‘evacuation centers’ samantalang ang iba ay nakikituloy sa mga kamag-anak o kaibigan. Ito ay ayon sa datus ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Sinabi rin ni Salceda na nang magtanong sila kung paano matutulungan ang mga bakwit kung magtatagal ang pag-alburuto ng bulkan, tiniyak diumano ni Romualdez na hindi sila pababayaan at ito ay nagbigay ng katiwasayan sa kalooban at nagpagaan sa kaba ng mga opisyal ng Albay.

Beterano ng mga kalamidad si Salceda. Bago siya naging kinatawan sa Kamara, tatlong magkakasunod na termino (9 taon) siyang nagsilbing gubernador ng Albay hanggang 2016, kung kailan kasama ang pagsabog ng Mayon sa naranasan niyang mga kalamidad.

“Ang ginawang tulong ni Romualdez ay totoong napakahalaga. Kailangang pakainin ang mga bakwit lalo na sa unang mga linggo nila sa ‘evacuation centers’ na talagang mahirap sa kanila dahil nabulabog na nga ang kanilang kabuhayan at hindi madali ang i-asa sa ibang tao ang kanilang kakainin,” paliwanag ni Salceda.

“Karaniwang nagtatagal ng ilang linggo at buwan sa ‘evacuation centers’ ang mga bakwit lalo na sa karanasan ng Albay sa bulkang Mayon, at ang pinaka-mabigat na suliraning kaugnay nito ay ang pagpapakain sa kanila. Mapapauwi lamang sila kapag tiyak na ang kanilang kaligtasan,” ayon kay Salceda.

Tinatantiya niya na maaaring umabot sa 10,500 pamilya o mga 39,000 ka-tao ang kailangang i-bakwit ngayon sa Albay. Kasingdami ito ng populasiyon ng isa bayang katamtaman ang laki, at kailangang pakainin silang lahat.

“At gaya ng sabi ng PHIVOLCS na maaaring maging bayulente ang pagsabog ng Mayon, ibig sabihin nito, kakailangan din ang rahabilitasyon at hindi kaagad maitatalaga sa ligtas ng kalagayan ang mga bakwit,” dagdag ng mambabatas.

Nagpahayag siya ng kasiyahan na nagtutulungan ang mga namumuno sa Kamara sa paghanap at pagtalaga ng ayuda para sa Albayanong apektado ng Mayon. Ang dalawang napakahalagang kumite ng Kamara — ang ‘Appropriations’ o badyet, at “Ways and Means” ay pinamumunuan pareho ng mga kinatawan ng Albay.

AUTHOR PROFILE