Calatagan niyugyog magnitude 6.3 lindol
Operasyon ng tren nahinto, NAIA ininspeksyon
NIYANIG ng magnitude 6.3 na lindol ang Calatagan, Batangas nitong Huwebes ng umaga, Hunyo 15, 2023.
Bata sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), ang pagyanig na may lalim na 119 kilometro ay naramdaman dakong 10:19 ng umaga.
Paliwanag ng Phivolcs, dahil sa lalim ng pinagmulan ng pagyanig ay mas naramdaman ito sa mga high-rise at medium-rise na gusali.
Naramdaman ang Intensity IV ng lindol sa Maynila, Mandaluyong City; Quezon City; Valenzuela City; Malolos at San Ildefonso Bulacan; Abucay, Bataan; Batangas City, Ibaan, Lemery, Nasugbu, at Talisay, Batangas; Dasmariñas, Magallanes at Tagaytay City, Cavite; Tanay, Rizal; San Jose, Occidental Mindoro; Calapan City at Puerto Galera, Oriental Mindoro at San Antonio, Olongapo City, Cabangan, Zambales.
Nasa Intensity III naman ang naramdaman sa Pateros, Las Piñas City, Makati City, Marikina City, Parañaque City, Pasig City, Malabon City, Paombong, Guiguinto, Marilao, Pulilan at Obando Bulacan, Batangas City, Sta. Teresita, Cuenca, Bauan, Talisay, Laurel at San Luis, Batangas; Bacoor City, Carmona, Ternate, Naic at Imus, Cavite: San Pablo at San Pedro Laguna; San Mateo Rizal; Dinalupihan at Mariveles, Bataan; Cabanatuan City, Nueva Ecija; Abra De Ilog, Occidental Mindoro; Roxas, Oriental Mindoro; Guagua, Pampanga; Mauban, Quezon; Tanay Rizal; San Marcelino at Subic, Zambales.
Umabot naman sa Intensity II ang naramdamang lindol sa Caloocan City, San Juan City, Muntinlupa City, San Fernando, La Union; Bani, Infanta, Alaminos at Bolinao, Pangasinan, Santa Maria, Angat, Obando at Norzagaray Bulacan; Bamban, Tarlac; Baler Aurora; Rosario at Malvar, Batangas; Calamba at San Pablo Laguna; San Antonio, Nueva Ecija; Victoria, Oriental Mindoro; San Fernando, Pampanga; Tayabas, Infanta, Lopez, Dolores, at Alabat, Quezon.
Nakaranas din ng Intensity I na lindol ang San Jose Del Monte, Bulacan, San Jose, Gabaldon at Bongabon, Nueva Ecija; Magalang, Pampanga; Lingayen at Urdaneta, Pangasinan; Mulanay, Lucena City at Gumaca, Quezon; Taytay, Antipolo at Angono, Rizal; Santa Ignacia, Ramos at Tarlac City, Tarlac.
Inaasahan naman ang pagkakaroon ng aftershocks at pinsala dahil sa lakas ng lindol.
Kaugnay nito, sinuspinde ng Department of Transportation (DOTr) ang operasyon ng Metro Rail Transit (MRT), Light Rail Transit (LRT) at Philippine National Railways (PNR) umaga ng Huwebes.
Sa Twitter account ng DOTr, sinabi ng departamento na naramdaman ang malakas na lindol sa MRT Command Center sa North Avenue Station sa Quezon City kung kaya’t nagdesisyon silang ipatigil ang operasyon ng mga trains sa bawat istasyon.
Dakong 10:30 naman ng umaga ay pinatigil din ng LRT ang operasyon mula Baclaran hanggang Roosevelt para sa kaligtasan ng bawat pasahero gayundin ng mga empleyado.
Pinasuspindi rin ng PNR ang operasyon ng kanilang mga train sa buong Metro Manila.
Paliwanag DOTr, bahagi ito ng sinusunod na protocol para sa kaligtasan ng lahat sa tuwing magkakaroon ng malakas na lindol.
Samantala, pinayuhan din ni Erlington Olavere, specialist ng Phivolcs ang publiko na iwasan muna ang pananatili sa mga matataas na gusali hangga’t hindi ito idinideklarang ligtas ng kinauukulan.
“Normally may protocol po ang building administrator. They need to check po ‘yung kanilang gusali before magkaroon ng entry or ma-reoccupy once na nag implement po tayo ng evacuation,” pahayag ni Olavere.
Naglabas din ng abiso ang Manila International Airport Authority (MIAA) at sinabi na ang mga runway at taxiways ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ay pansamantalang isinara para suriin kung may pinsalang natama dulot ng magnitude 6.2 na lindol na tumama sa Metro Manila. Ni ZAIDA DELOS REYES AT JUN I. LEGASPI