Joey Sarte Salceda

Salceda nagpasalamat sa itatayong research center sa Albay

July 14, 2022 People's Tonight 285 views

LEGAZPI CITY – Taos-pusong pinasalamatan ni Albay 2nd District Representative Joey Sarte Salceda ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa itinatayo nitong “Biosphere Reserve and Research Center” sa bayan ng Manito, Albay.

Magsisilbi itong pansamatalang tirahan ng mga nailigtas na mga hayop at sentro ng pagmamasid sa iba’t-ibang likas na buhay, lalo na ng mga likas na buhay sa dagat at mga tubigan sa lalawigan.

Ang Abay ay idineklarang “World Biosphere Reserve” ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) noong Marso 2016.

Kasama na ito sa mga lugar sa mundo na itinuturing na “learning sustainable development and biodiversity conservation with the sustainable use of natural resources.”

Nung gubernador pa siya ng Albay, sadyang sinikap ni Salceda na ideklara ng UNESCO ang Albay bilang “biosphere reserve site” – isa sa tanging dalawang lugar na deklaradong lugar sa Pilipinas.

Iginawad ang deklarasyon para sa Albay noong Marso 2016 sa Lima, Peru, kasunod sa pag-endorso nito ng Man and Biosphere (MAB) Program International Co-ordinating Council (ICC).

Ang pagtatayo ng dalawang palapag na gusaling Albay BRDC na may toreng bantayan sa bubungan, ay pinasimulan nitong ika-11 ng buwang kasalukuyan at ayon sa DENR matatapos ito sa Disyembre ngayong taon. Nasa gitna ito ng 500 metro-kwadradong lote na donasyon ng bayan ng Manito.

Ayon kay Salceda, ang pasilidad ay magiging sentro ng mga hakbang at inisyatibo sa pangangalaga sa likas na kapaligiran at yaman ng Albay, kasama ang mga likas na buhay at mga tirahan nila.

Magsisilbi din diumano itong taguan ng mahalagang datos at mga ulat ng pag-aaral. Ipinanukala din ni Salceda ang paglikha ng DENR Biodiversity Management Bureau (BMB) ilang taon nang nakaraan.

Bukod sa mga naturang silbi ng pasilidad, magiging “rescue center” din ito ng nanganganib na mga likas na buhay sa dagat at tubigan.

Ang “watch tower” nito sa bubungan ay gagamitin din ng mga organisadong Bantay Dagat (Sea Rangers) at Bantay Gubat (forest rangers) sa lalawigan. Ang bayan ng Manito ay bahagi ng ika-2 congressional district ni Salceda.

Bilang isang “biosphere reserve” ang Albay, ayon kay Salceda, ay palatandaan ng kahusayan at hamon din sa sa mga Albayanon sa patuloy at mabisang pangangalaga sa mayaman nilang likas na kapaligiran.

“Lubos na malalim ang pagnanais naming mga Albayanon na makatulong sa pambansa at pandaigdigang pagtugon sa mga hamon ng pagbabago ng panahon o ‘climate change.’ Naniniwala kaming maaki ang maitutulong namin sa ‘World Network of Biosphere Reserves. Ang BRDC ng Albay ang mababang-loob naming ambag sa magiging pamana ng bansa sa susunod nating mga henerasyon,” madiing pahayag ng mambabatas.

Ayon kay Salceda, kasama sa kahalagahan ng Albay bilang isang biosphere reserve ang 182 uri (species) ng halaman nito na ang 46 ay likas sa lalawigan, at mga marine and coastal ecosystems nito na kinabibilangan ng 12 uri ng bakhawan o mangrove, 40 uri ng seaweed or macro-algae na tinatawag nilang “lato” at sampung uri ng damong dagat o sea grass. Ang lima sa pitong uri ng mga pawikan sa mundo ay matatagpuan din sa Albay.

Matapos ideklarang biodiversity reserve ang Albay ng UNESCO, lalo pang napalawak ng lalawigan ang terrestrial buffer zone sa 62,000 ektarya mula 35,000 ektarya. Kasama rin sa binagong sona nito ang mahigit na 65,000 ektaryang marine transition zone.

Lalo ring pinalakas at pinatibay ng Albay ang mga hakbang nito maprotektahan ang nanganganib nang mga itlugan at limliman ng itlog ng mga pawikan sa lalawigan, dagdag ni Salceda.

AUTHOR PROFILE