Default Thumbnail

Salamat sa taong 2020-2021

January 3, 2022 Allan L. Encarnacion 451 views

Allan EncarnacionPARA sa iba, masamang taon ang 2020 at ang 2021.

Sino naman ang hindi sisimangot kapag naalala ang mga taong ito? Sa dalawang magkasunod na taong ito natin naranasan ang peak ng pandemic.

Magmula Marso 2020, nawala na ang normal na sistema ng ating buhay. Daig pa natin ang sinakop ng kakaibang puwersa na karamihan sa atin ay ngayon lamang dinanas.

Dahil sa COVID-19, dumating ang mga panahong pinagbawalan tayong lumabas, nilimitahan ang ating kilos, hindi tayo pinagtrabaho, bawal tayong maglakbay sa loob man o sa labas ng bansa.

Binawalan din tayong tumawa nang malakas, bumahing na parang burara, umubo na parang luluwa ang baga. Hindi rin tayong pinayagang makipagkamay, makipag-beso-beso, yumakap at humalik.

Iyong alcohol na dati’y sa sugat mo lang nagagamit, they’re everywhere na! Iyong thermometer na nakikita mo lang pag may sinat ka, nakatutok na agad sa noo mo kahit saan ka magpunta!

Wala rin munang mga okasyong magtitipon ang maraming tao, sarado ang mga sinehan, ang mga parke, ang simbahan at ang lahat ng mga karaniwan nating pinupuntahan para mag-relax.

Ang ekonomiya ng bansa at ang ekonomiya ng buong mundo ay mistulang mantikang natulog, walang galawan ang kabuhayan kaya dumanas ng kagutuman ang maraming mga mamamayan. Ang mga malalaki at maliit na kompanya ay naapektuhan, nabangkarote ang maraming negosyo.

Pero sa kabila ng mga pangyayaring ito, binigyan naman tayo ng maraming positibo habang ang ating mga bahay at negosyo ay nakakandado. Mas naging magkakasama ang mga pamilya, naging pangkaraniwan ang sabay-sabay na pagkain sa hapag na nawala dahil sa pare-parehong abala.

Nagkita-kita muli ang mga anak at mga magulang na noong walang pandemya ay buwenas nang magkatagpo sa almusal dahil hatinggabi na nakakauwi galing sa trabaho at eskuwela.

Ang mga dating hindi marunong mamalengke at walang kaalam-alam sa pagluluto na tatay at nanay or ate at kuya ay biglang naging “chef of the year” sa kani-kanilang mga tahanan.

Ang mga kagamitan na nagtambakan sa loob ng bahay ay nagkaroon ng tiyansang maisalansan nang maayos, ang bubong na dati nang may tulo ay natapalan na rin, ang mga baradong lababo at banyo ay naayos na rin at ang mga dapat ayusin sa loob ng bakuran at tahanan ay naharap.

At higit sa lahat, muli tayong ibinalik sa pagmamalasakit sa ating kapwa at natuto tayong magpasalamat at manalangin sa Panginoon sa gitna nang walang katiyakang pondemya.

May mga natuto rin ng munting negosyo via online mula sa pagkain, inumin at mga bagay na kailangan sa pananatili sa loob ng tahanan.

Ang mga taong 2020 at 2021 ay puspos ng pagsubok sa marami sa atin subalit ang mga taon na ito rin ang nagpayaman ng ating pananampalataya at pagmamahalan sa pamilya at pagkakaibigan.

Marami sa ating mga kakilala, mahal sa buhay at kaibigan ay pumanaw or nagkasakit dahil sa pandemya. Ito iyong kabanata ng ating buhay na minsan ay ibinalik tayo sa kaisipang maigsi lamang ang buhay. Dito ay nagkaroon tayo ng pagmumuni-muni na sa isang kisapmata ay maaring bukas wala ka na.

Kaya nga dito sa mga panahong ito lumawak ang diwa ng pagbibigayan, bolunterismo at kabayanihan saan mang panig ng mundo. Kaya nga marami tayong mga biyayang natamo sa pandemya na dapat pa rin nating ipagpasalamat sa mga taon ng 2020 at 2021.

Ngayong 2022, dapat tayong mas maging malakas at mas maging mapagpasalamat kasabay ng panalanging matapos nang lubusan ang pandemya at magamit ang mga aral na ating natutunan sa nakalipas na dalawang taon.

Happy New Year sa ating lahat!

[email protected]