Default Thumbnail

104 OFWs na may Covid-19, tinanggap sa Manila Field Hospital

January 3, 2022 Vic Reyes 445 views

Vic ReyesKUNG minsan, nagmumukhang kawawa ang mga Overseas Filipino Worker (OFW).

May mga pagkakataon na ginagatasan pa sila ng mga tiwaling lingkod-bayan na hinihingihan ng tulong.

Pero sa Maynila, na pinamumunuan ni Mayor Francisco Domagoso o Isko Moreno, nakasisiguro ang mga OFW ng magandang serbisyo.

Kamakailan nga ay may 104 OFW na may COVID-l9 ang tinanggap sa Manila COVID-19 Field Hospital.

Ang ospital ay nasa harapan ng makasaysayang Quirino Grandstand sa Rizal Park.

Itinayo ang ospital sa Rizal Park para madaling puntahan ng taumbayan, lalo na ng mga mahihirap.

Personal na pinatuloy ni Yorme Isko ang mga OFW sa ospital noong Disyembre 3l, bisperas ng Bagong Taon.

Sinabi ni Mayor Isko na lahat ng gastos ng mga OFW ay sagot ng Manila City government.

Si Yorme Isko, na kilalang maka-mahirap ay isa sa mga tumatakbo sa pagka-pangulo ng bansa.

Naipakita niya sa Maynila kung paano baguhin ang lipunan para sa kapakanan ng taumbayan.

Alam niya na malaking bagay ang disiplina at pagwalis sa korapsyon kung gusto nating magbago ang bansa.

Tama ba kami Manila Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan?

***

Talaga namang naka-aalarma ang pagtaas muli ng bilang ng mga kababayan nating may COVID-l9.

Pero inaasahan naman ito ng gobyerno dahil sa holiday season.

Naglabasan ang mga tao, kabilang na ang mga bata at senior citizen.

Hindi naiwasan ang kumpulan ng tao dahil sa mga kinaugalian nating pagtitipon tuwing bisperas ng Pasko at Bagong Taon.

Sa tingin natin ay bababa uli ang bilang ng mga kaso ng COVID-l9 dahil tapos na ang holiday season.

At talagang marami ang takot sa nakamamatay na virus.

Kaya nga marami na ngayon ang gustong magbakuna.

Ang problema na lang ay namimili ng bakuna ang mga tao, lalo na ang mga may sakit at mahihina na.

Ang gusto nila ay iyong dating inaayawang Sinovac. Baka raw hindi nila kayanin ang ibang brand ng bakuna.

Hindi naman natin sila masisisi.

Kaya dapat alamin ng mga lokal na opisyal ang saloobin ng taumbayan para mabakunahan na lahat ng mga dapat mabakunahan.

***

Sa pagpasok ng Enero ay nandiyan na naman ang mga selebrasyon ng mga pista.

Hindi natin masisisi ang ating mga kababayan na hangad magdaos na muli ng barangay o town fiesta.

Isang tradisyon na kasi ang pagdaraos ng taunang pista, lalo na sa kanayunan.

Kaya mainam na magpalabas na ang gobyerno ng mga panuntunan sa pagdaraos ng mga pista.

Kung maraming ordinaryong mamayan ang gustong magdaos ng mga kapistahan, siguradong ayaw naman ito ng mga kandidato sa darating na Mayo 9 eleksyon.

Patay nga naman sila sa dami ng mga manghihingi ng financial support.

May hihingi ng papremyo, pambili ng trophy, pambayad sa banda at iba pang gastusin.

Kapag hindi tumulong ang kandidato, siguradong hindi siya maalaala sa araw ng halalan.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: [email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE