Default Thumbnail

Sagipin ang nagugutom ng workers

April 7, 2021 Allan L. Encarnacion 423 views

PAKIRAMDAM ko’y naglalakbay ako sa isang lugar na walang patutunguhan.

Nagmaneho ako mula Quezon City hanggang Pasay Edsa sa ikalawang linggo ng ECQ extension. Marami pa rin namang sasakyan, maayos ang daloy ng EDSA at may mga tao pa rin naman akong nakikita.

Ang nawala lang, iyong mga coffee shop, mga restaurant at mga hotel lobby lounge na puwede mo sanang maging tambayan sakaling may kailangan kang gawin o kausapin.

Mabilis naman akong nakarating hanggang NAIA 3 dahil nga wala namang traffic ang EDSA na noong mga nakaraang taon ay parang delubyo kapag mga ganoong oras ng 10 a.m. Kasama na sa paglalakbay ko ay ang paghahanap ng barberya na puwedeng mapagupitan dahil mahaba rin naman ang aking buhok.

Naalala ko na may pagupitan nga pala sa Forbes na lugar ng mga mararangya kaya kumanan ako sa McKinley noong pabalik na ako QC. Sakto rin kasi may mga bibilhin ako sa grocery at drug store kaya doon na ako nag-one stop shop sa commercial complex sa Forbes.

Open naman ang grocery kaya nabili ko naman ang kailangan pero sarado pala ang barberya doon at lahat halos ng negosyong “non-essentials.”

Sa dami ng saradong negosyo na aking nadaanan, iniisip ko kung gaano karami na naman ang pamilyang dumanas ng gutom dahil sa pagpapalawig sa ECQ. Alam nating hindi madaling desisyon ito para sa gobyerno dahil sa sikmurang kumakalam, pero parang kandila namang nauupos ang ekonomiya ng bayan.

Kahit pinapayagan ang mga delivery and takeout services ng mga restaurant, mas marami pa rin ang nagdesisyong magsara na lamang dahil hindi naman kayang ma-offset ang investment sa magiging overhead kung walang tao sa labas.

Wala pa tayong alam kung magkakaroon pa ng extension ang ECQ season 1 episode 2 pagkatapos ng linggong ito. Pero sa tingin natin, marami nang mamamatay nang dilat dahil sa gutom kung may ECQ extension pa.

Wala na ring huhuguting pondo ang pamahalaan para bigyan ng ayuda ang mahigit 22 million na apektado sa NCR plus bubble. Ito ngang ibibigay na tulong na tig-P4K ay paluhod nang ilalabas ng gobyerno dahil tuyot na ang balon.

Kailangang sumunod tayong lahat sa minimum health protocol para mapababa kung hindi man agad lubusang matigil ang hawahan ng virus. Pero sana lang, huwag idamay ng IATF ang mga restaurant at payagan sila sa dating 50% capacity para matukuran ang kabuhayan ng bansa at ng marami nating kababayan.

Eh, bawal nga lumabas paanong pabubuksan ang restaurants?

May mga authorized persons outside residents ang puwedeng lumabas na magiging market ng mga kainan. Ang workers ay essentials kaya sila pinalalabas din basta may company ID.

Iyong mga service crew sa mga restaurant na nabubuhay sa P537 kada araw plus tip, kapag inalisan mo sila ng kabuhayan, gaano karaming tao ang hindi kakain dahil sa dami ng umaasa sa kanila?

Ang restaurant and hotel industry nga ang numero unong masunurin sa health protocols sila pa ang unang naaapektuhan sa tuwing tumataas ang quarantine status.

Kung open ang mga grocery at mga palengke, dapat open din ang mga restaurant and coffee shops para masagip ang marami nating mga kababayang nagugutom ngayon.

[email protected]